Sa Korea resign agad, sa Pilipinas patigasan

KAHANGA-HANGA ang pag-resign ng Korean prime minister dahil sa pagkasawi ng mahigit 300 estudyante sa lumubog na ferry. Hindi siya ang maysala. Kinulong na ang pabayang kapitan at 14 crewmen. Pero inako pa rin ng pinaka-mataas na opisyal ng gobyernong Korea ang “di-matigil na katiwalian sa paglilisensiyang pandagat” at “mabagal na pagsaklolo.” Nagsilbing leksiyon sa iba pang opisyales at nagpatatag ng tiwala ng madla sa gobyerno ang pag-resign niya.

Panalangin ng mga Pilipino na magka-delikadesa rin ang mga pinuno nila. Kasi sa tatlong sangay ng gobyerno ay patigasan sa puwesto ang mga bistadong tiwali.

Sa Hudikatura, ihalimbawa si ousted Chief Justice Renato Corona. Imbis na magbitiw nang i-impeach ng mayorya ng House of Reps (one-third lang ang kaila-ngan), lumaban siya sa Senado. Nabisto tuloy hindi lang ang tagong yaman -- limang luxury condos sa Metro Manila, bahay sa America, at limpak-limpak na depositong pesos at dollars. Nabunyag din ang paggamit niya ng mga jobless na anak sa kanyang krimen.

Sa Lehislatura, kapit-tuko sa puwesto ang tatlong senador na hinabla ng P10-bilyong plunder ng kanilang pork barrels nu’ng 2007-2009. Palusot nila, kesyo pine­ke lang ang mga pirma nila sa official documents. Anila, pag-amin umano ng pagkakasala ang pag-resign.

Sa Ehekutibo pinaka-makapal ang mukha ni MRT-3 general manager Al Vitangcol. Palpak ang serbisyo ng ahensiya: laging sira ang tren o riles, laging mahaba ang pila ng pasaheros. Binisto rin ng Czech ambassador ang umano’y tangkang pangingikil niya ng $39 milyon mula sa isang Czech train maker. Magbibitiw lang daw siya kung ma-clear sa mga paratang. E kung hindi siya mapawalangsala, lalo siyang mananatili?

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gotcha.com

Show comments