Masustansyang pagkain (Part 1)
ALAM n’yo ba ang 10 pinakamasustansyang pagkain na mabuti sa ating kalusugan? Ano ang pinaka-healthy na pagkaing ginawa ng Diyos para sa tao? Hindi ko na kayo pasasabikin, heto ang unang parte ng aking listahan.
1. Maberdeng mga gulay – Ang gulay tulad ng repolyo, pechay, kangkong, spinach at iba pang mga talbos ay napakahalaga sa katawan. Sagana ito sa vitamins, mine rals at iba pang healthy na kemikal. Kapag mahilig ka sa gulay, tingin ko ay puwede ka nang hindi mag-vitamins. Tipid pa! Ang gulay ay maganda rin sa maraming sakit tulad ng sakit sa puso, diabetes, sakit sa tiyan, pag-iwas sa colon cancer at iba pang kanser.
2. Matatabang isda – Ang mga oily na isda tulad ng salmon, tuna, mackerel at sardinas ay may Omega-3. Ang Omega-3 ay nag-aalaga ng puso, nagpapaiwas sa atake sa puso at istrok, at nagpapababa ng kolesterol sa katawan. Ang problema lang ay mahal ang mga isda na ito.
3. Kamatis – Ang kamatis ay puno ng lycopene na tinatawag na anti-oxidants. Pang-alis ito ng dumi sa ating mga selula. Ang ketchup at tomato juice ay mainam din. Ang kamatis ay makatutulong din sa pag-iwas ng mga kanser.
4. Citrus fruits tulad ng calamansi, suha at dalandan – Masustansya ang mga prutas na ito dahil may Vitamin C. Ang Vitamin C ay panlaban sa mga sakit tulad ng sipon, hika, at arthritis.
5. Carrots – May naniniwala na ang carrots ay panlaban sa kanser. Ito rin ay may Vitamin A na mabuti sa ating mga mata. Isa pa, nakakapayat ito dahil 35 calories lang ang kalahating tasa ng carrots. Kaya turuan natin ang ating mga anak na kumain ng carrots.
6. Saging – Ito ang pinaka-healthy na prutas para sa akin. Puwede ito gawing gamot sa ulcer at pangangasim ng sikmura. Ito’y dahil natatapalan ng saging ang mga sugat sa tiyan. Mabuti rin ito sa mga nagtatae.
Ang saging ay lunas din sa mga nanghihina at may cramps dahil marami itong potassium. Kung lagi kayong pawisin at gusto n’yong lumakas, mag-saging ka. Nakita niyo na ba si Roger Federer, ang tanyag na tennis player? Kumakain siya ng saging sa gitna ng kanyang laban. Kailangan ni Federer ng lakas at sigla, at saging ang sagot.
Sa susunod, marami pang tips para sa mga healthy na pagkain. Abangan!
- Latest