NAKAMTAN din sa wakas ni Chief Supt. Napoleon Taas ang inaasam-asam na pangarap na maging heneral. Si Taas, na isang West Point graduate, ay kasama sa 13 opisyales ng PNP na na-promote ni President Aquino nga-yong buwan na ito. Si Taas na hepe ng ITMS ng PNP ang nag-iisang West Point graduate na natitira sa police organization. Pero halos limang taon pa sa serbisyo si Taas at inaasahan na marami pa siyang gagawin sa paglutas ng mga krimen at pakikipaglaban sa mga terorista. Maliban sa heneral na s’ya, qualified na si Taas na maging hepe ng mga operating at support units at regional commands ng PNP. ‘Yan ay kung kursunada siya ni DILG Sec. Mar Roxas at PNP chief Dir. Gen. Alan Purisima.
Sa bagong batas ng PNP, bawal na ang Pilipinong West Point graduate na ma-assign sa PNP. Puwede lang sila sa Army, Navy at Air Force. Kaya sa pagretiro ni Dir. Eric Javier, USMA Class ‘77 at paglisan ni Sr. Supt. Rene Jarque, USMA Class ‘85, ilang taon na ang nakaraan, si Taas ang na lang ang naiwan. Kaya sa natitirang panahon niya sa PNP, nangako si Taas na pag-iigihan pa niya ang pagtrabaho para maiahon ang imahe ng PNP at maitaas din ang acceptance rating nito sa sambayanan. Ano kaya ang mga gimik ni Taas?
Kaya naman nakilala ko si Taas ay dahil matagal itong namalagi sa Manila Police District noong kapanahunan ni MPD director Chief Supt. Sonny Razon. SiyemÂpre, sumama siya kay Razon nang maging NCRPO at PNP chief ito at marami pa siyang mga assignment kung saan nag-excel naman siya sa kanyang trabaho. Sa Nueva Ecija kung saan siya naging provincial director, nilutas niya at mga bataan niya ang isang kidnapping incident. Pero ang matatawag na feather in the cap ni Taas ay ang pagkumpiska niya ng computer ng Al Qaida terrorist na si Ramsey Youssef, sa isang raid sa Josefa Apartments sa Ermita, Manila. Nakita sa computer ang plano ng Al Qaida na pabagsakin ang World Trade Center noong 1993. Kung isa-isahin ang accomplishments ni Taas nitong nagdaang mga panahon, baka ilang kolum na ang nasulat ko ay hindi pa tapos, hehehe! Ganyan kasipag si Taas, President Aquino Sir! At tiyak, ablam ‘yan ni Purisima! Abangan!