HANGGANG ngayon, hindi pa napapalaya ang Pinay resort worker at isang Chinese tourist na kinidnap ng Abu Sayyaf sa Sabah, Malaysia noong nakaraang Abril 3. Sinalakay ng anim na armadong kalalakihan na pawang naka-bonnet ang Singamata Reef Resort sa Semporna dakong 10:30 gabi. Ang Chinese, edad 29 at Pinay, 40, ay dinala umano ng mga kidnaper sa Sulu at nag-demand ng $11.25 milyong ransom. Mula nang kidnapin ang mga biktima, wala nang balita ukol sa kalagayan nila. May report na maaaring nagkaroon na ng bayaran sa paglaya ng dalawa.
Malaking problema ang Abu Sayyaf sa gobyerno. Tinik na hindi maalis-alis. Marami nang kinidnap at pinatay ang grupo at nagpapatuloy pa. Hindi malaman ng pamahalaan kung ano ang gagawin para mawakasan na ang kasamaan ng grupo. Noon, sinabi ng military na iilan na lamang ang lider ng grupo at wala nang lakas para maghasik ng lagim pero kabaliktaran ang nangyayari. Lalong bumangis ang Abu Sayyaf at katunayan, ngayong taon na ito, 23 kidnapping cases na ang naitala sa Basilan, Sulu, Zamboanga at Lanao provinces.
Ngayong magkakaroon na ng kaganapan ang Bangsamoro region, nararapat namang magpakita ng pakikiisa laban sa Abu Sayyaf ang Moro Islamic Liberation Front (MILF). Ipakita ng MILF na ang minimithi nila para sa Mindanao ay kapayapaan, kaunlaran at kaayusan ng mamamayan.
Makakamit ang kapayapaan at katahimikan kung mayroong katulong ang pamahalaan sa pagpapanatili ng kaayusan sa rehiyon. Kailangang suportahan at tulungan ang pamahalaan sa paglipol sa Abu Sayyaf. Ngayong nakipagpirmahan na ang MILF sa pamahalaan para sa pagbubuo ng rehiyon, sana tumulong sila sa pagsawata sa grupo ng mga kidnaper. Pagtulungan nilang pulbusin ang Abu Sayyaf. Mahalaga ito para sa isisilang na bagong rehiyon at sa minimithing kapayapaan.
Kapag nagpatuloy ang mga kidnaper sa ginagawang kasamaan, sila ang magiging hadlang sa pag-unlad ng Bangsamoro region. Sino ang bibisitang turista sa Mindanao na pinamumugaran ng Abu Sayyaf? Hindi mag-aaksaya ng panahon ang mga turista sa bansang pinamumugaran ng mga kidnaper. Kaysa aksayahin ang panahon at pera sa Pilipinas, sa ibang bansa na lang silang magtutungo --- doon sa bansang mapayapa.