Nagdaang mabilis ang Semana Santa
mga Pilipino’y muling namanata;
Mga taga-nayon maraming sinadya
malayo’t malapit dalanginan nila!
Ang pangako nila’y dating katapatan
wala nang gagawing mga kamalian;
Masasamang gawi’y sinabing iiwan
di na uulitin mga kasalanan!
Sa mga simbahan ay dagsa ang tao
at ang sinasabi sila’y magbabago;
Sila’y humahalik sa banal na Kristo
katawan at paa’y hinahaplos nito!
Di pa nagtatagal pagsapit sa bahay
magagalit sila at magtutungayaw;
Wala na si misis nasa kapitbahay
palibhasay adik at nasa saklaan!
Silang mag-asawa ay kapwa sugarol
at ang mga anak walang nilalamon;
Panganay na anak sa droga ay gumon!
maituwid kaya sila ng relihiyon?
Mga pulitiko’y nasa bahay lamang
ang pinagsisimba’y mga kasambahay;
Sila’y naglilimos sa mga simbahan –
ang utang sa buwis ay talo si Pacman!
Masasamang tao’y di na magbabago
kahi’t anong gawing mga sakripisyo;
Nagpapako pa’t may tinik sa ulo –
mga pinetensiya ay pakitang tao!