Tingi-tinging impormasyon
BUMALIK na ng bansa si Atty. Gigi Reyes. Pero ang salaysay na inaantabayanan ng lahat ay hindi naganap. Imbis na magtugma ang kanyang salaysay sa mga unang inilabas ni Ruby Tuason at mga whistleblowers, ang kanyang tauhan ang sinisi at inipit. Hindi idiniin ang kanyang dating boss na si Sen. Juan Ponce Enrile, at nagpahayag na wala siyang kasalanan sa naturang PDAF scam ni Janet Lim Napoles. Kaya bigo ang taongbayan. Parang isang “Romulo Neri moment†ang naganap. At wala pang balita sa gusto raw kumantang mi-yembro ng “Oplan Bugbog†ni Cedric Lee. Kahapon, naaresto na ng NBI si Cedric at isang kasama sa Eastern Samar.
Pero may bagong pinag-uusapan ang buong bansa. Si Janet Lim Napoles, na noong unang pagtungo sa Senado ay walang masabi at walang maalala, ay biglang nagkaroon ng konsiyensiya at ngayon ay handa na raw isiwalat ang lahat hinggil sa PDAF scam. Katunayan nga ay nagbigay ng isang mahabang listahan ng mga alam niyang mambabatas na nakibahagi sa natrurang scam. Kasama ang ilang Senador na nanunungkulan ngayon, pati mga kaalyado ng administrasyong Aquino. Sa ngayon ay si Rehabilitation Czar Panfilo Lacson ang may hawak ng listahan, kaya siya pa lang ang nakabasa nito. Hinihikayat na siya nang marami na ilabas na ang listahan.
Pinag-uusapan ngayon, dahil sa biglang pagbaliktad ni Napoles, kung puwede siya maging testigo para sa gobyerno. Dito na maraming hindi nagkakasundo. May sang-ayon, may tutol. Ayon sa patakaran ng Witness Protection Program ng gobyerno, ang puwedeng maging testigo para sa gobyerno ay ang may pinakamaliit na partisipasyon, o pinaka konting kasalanan sa krimen. Marami ang naniniwala na hindi pasok si Napoles sa patakarang ito, dahil siya nga umano ang may pakana. At tandaan na nagsinungaling pala siya sa Senado habang nakasumpa, kaya humaharap na rin sa kasong perjury. Patong-patong na ang kanyang kaso, kaya raw siya hindi puwede maging testigo ng gobyerno.
Pero malaman na malaman ang kanyang mga pagsiwalat ngayon, kung totoo. Idinawit na rin ang naunang tatlong Senador na kinasuhan na ng pandarambong – sina Sen. Enrile, Estrada at Revilla. Pero ganun nga, nagdagdag ng higit isangdaang pangalan ng mga opisyal ng mga nakaraan at kasalukuyang administrasyon sa kanyang listahan. Ito na ngayon ang hinihintay ng buong bansa. Tingi-tinging impormasyon sa lahat ng isyu!
- Latest