HINDI nakapagtataka kung may gusto nang magsalita mula sa grupo ni Cedric Lee na kasama sa pambubugbog kay Vhong Navarro. Noong Lunes, naglabas na ng warrant of arrest ang korte ng Taguig para sa apat na sangkot, para sa kasong serious illegal detention na hindi na pwedeng piyansahan. Kaya kapag nahuli sila, deretso na kaagad sa kulungan. Ayon kay DOJ Sec. Leila de Lima, pinag-aaralan na kung talagang pwede maging testigo para sa pamahalaan ang tinutukoy na tao. Dapat siya ang may pinaka-konting kasalanan, ika nga, para mapasok sa Witness Protection Program. Hindi pa mapangalanan ang tao para na rin sa kanyang proteksyon at baka may masamang balakin sa kanya. Hindi ba mahaba ang pisi ni Cedric Lee ayon na rin sa kanya? Sasabihin na raw lahat ng testigo, mula sa pagplano sa “Oplan Bugbog†– Diyos ko may pangalan pa ang operasyon – hanggang sa pagdala sa presinto.
Hindi ako magtataka dahil paliit nang paliit na ang mundo ng mga akusado. Nagtangkang umalis si Cedric Lee, pati si Ferdinand Guerrero. Mabuti na lang at hindi nakaalis. Patong-patong na ang ebidensiya laban kina Cedric Lee at Deniece Cornejo. Malamang nag-isip nang mabuti noong Semana Santa ang gusto nang kumanta. May payo na rin siguro mula sa kapamilya, sa mga kaibigan pati na rin sa ibang abogado na maging testigo na lang at malakas na ang kaso laban sa kanilang lahat.
Pero may balita na hindi pa makita sina Cedric Lee at Deniece Cornejo. Akala ko ba sila ang matatapang magsalita noon? Akala ko ba wala kay Cedric Lee ang murahin siya ng buong Pilipinas? Sana naman ay hindi sila nakaalis na ng bansa, at maraming madidismaya na naman. Mula nang unang lumabas ang pangyayaring ito, nais ng taumbayan malaman ang katotohanan at hustisya. Ang sabi ko nga, parang pelikula kung saan sa umpisa ay dehado ang bida, pero sa katapusan ay siya ang magwawagi. Mahilig ang Pilipino sa ganitong kuwento, kaya maÂraming interesado. Kaya hintayin ang paglabas ng testigong magsasalita, kung talagang magsasalita.