MIDDLE East Respiratory Syndrome-Corona Virus or MERS-CoV. Ito ang pinakahuli at pinakabagong salot na umabot sa bansa. Nauna na noon ang mga SARS, AH1N1 at kung ano pang ibang bird flu, cow disease etc. Tuwing may ganitong bagong uri ng sakit, karaniwan na sa atin ang nagpapadala sa takot. Imbes na huminahon at labanan ang virus sa kampanteng paraan, nauuna ang nerbiyos at ang pagpapaniwala sa sabi sabi. Walang maidudulot na kabutihan ang ganitong pag-ala tsamba. Tanging ang impormasyon at edukasyon ang magsisilbing pinakamabisang lunas upang malampasan ang hamon nitong mga bagong sakit.
Dahil din sa kawalan ng kaalaman, may mga pagkakataon kung saan ang mga awtoridad ay gumagawa ng hakbang na maaring ikaperwisyo ng ilang tao basta inaakalang may higit na maraming mamamayang mabibiyayaan. Ngayon na lang ay may ganitong sitwasyon dahil sa takot sa MERS-CoV. Inilahad sa mga pahayagan ang pangalan ng mga pasahero ng eroplanong sinakyan nung taga-UAE na positibong carrier ng MERS-CoV bagamat walang sintomas. Ang intensyon ng DOH ay hikayatin silang magpasuri kung nahawa sila. At kapag matukoy ang kanilang lokasyon, pilitin silang magpatingin kahit gamitan ng puwersa. Ang pag press release ng kanilang pangalan ay mistulang paghatol o sentensya sa kanila. Sa mata ng komunidad, may MERS-CoV na ang mga ito at siguradong iiwasan at pandidirihan ng mga kapitbahay.
Kung tutuusin ay tanggap nang prinsipyo ng batas na patungan ng obligasyon ang karapatan ng ilan para sa ginhawa ng karamihan. Ang tawag dito ay ang regulatory o police power ng bansa. Subalit katanggap tanggap ang ganoong mga sitwasyon dahil may malinaw at buong buong katwirang bunga ng pagkakaroon ng kumpletong impormasyon. Dito sa MERS-CoV, batay lang sa hinala ay pinangalanan na ang mga pasahero kahit pa inaasahang kakawawain sila.
May mga nagsasabing sana gumamit ng ibang pamamaraan ang gobyerno – kung nanaisin nama’y madaling i-track down ang ganoong kakaunting bilang ng tao – mga 200 lamang imbes na hiyain sila sa ganoong kapublikong paraan. Siyempre, ang iba rin ay nagsasabing mabuti na ang nakakasiguro. Ito ang mga nag-uumpugang interes na kailangan timbangin at pag-isipan ng mabuti nang maiwasan ang hindi makatwirang pagperwisyo sa kapwa.