Grupo ng ‘extorter’ kinontrata ng MRT-3

KAKAIBA ang kinawakasan ng $30-milyong extortion mula sa isang kumpanyang Czech. Kinontrata ng MRT-3 mismo ang grupo ng umano’y nangikil.

Ibinigay ang kontratang $6.9 milyon (P290 milyon) sa joint venture ng PH Trams-CB&T, kung saan principal si Wilson de Vera. Inaakusahan siya ng tangkang pagpiga ng $30 milyon sa Czech train maker na Inekon.

Pumirma sa kontrata si MRT-3 general manager Al Vitangcol. Para umano sa kanya nanghingi ng suhol sa Inekon si De Vera, incorporator-director ng PH Trams. Pumirma rin si Tranport Sec. Joseph Emilio Abaya, na matuling pinawalang-sala si Vitangcol nu’ng mabunyag ang tangkang pangingikil nu’ng 2013.

Nangyari umano ang pagpapabayad ng $30 milyon nu’ng Hulyo 2012. Tinanggihan ito ng Inekon. Okt. 19, 2012, nang magpirmahan sina De Vera at Vitangcol ng P290 milyon.

Ang $30-milyon ay para maiwasan ng Inekon ang public bidding, at i-negotiate na lang ang supply-refurbishing-maintenance ng mga tren. Ginulo ito ng pagtanggi ng Inekon. Sa huli, ni-negotiate ng MRT-3 at DOTC ang panandaliang maintenance contract ng PH Trams.

Binabatikos ngayon si Vitangcol dahil sa masamang pagmementena ng mga tren at tracks ng MRT-3. Oras ang ipinipila ng daan-daan-libong pasahero para lang makatuntong sa loading platforms. Nakikita ng mga mambabatas ang korapsiyon sa likod ng kapalpakan.

Dalawang buwang gulang pa lang ang PH Trams nang makuha ang P290-milyong kontrata, batay sa records ng Securities and Exchange Commission. P625,000 lang ang paid-up capital, mula sa authorized na P10 milyon at subscribed na P2.5 milyon. Labag ito sa batas!

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gotcha.com

Show comments