PINARATANGAN nina Czech ambassador Josef Rychtar at kababayang negosyanteng Josef Hušek ng pangingikil ng $30 milyon ang hepe ng MRT-3. At pinabulaanan ito nina general manager Al Vitangcol at Liberal Party member Wilson de Vera. Sino ang nagsasabi ng totoo?
Sandaling nag-leave si Vitangcol, pero mabilis na ibinalik sa puwesto. Nagbantang maghabla si De Vera ng paninirang-puri. Dumulog naman sina Rychtar at Inekon Group chairman Hušek sa NBI. Isang taon na ang lumipas mula nang ibunyag ni Rychtar ang umano’y nangyari nu’ng gabi ng July 9, 2012. Wala pang aksiyon ang ahensiya.
Maari namang maberipika ang salaysay ng dalawang Czech. Anila, testigo sa umano’y pangingikil sina Manolo “Boyet†Maralit at Marlo dela Cruz. Meron daw family corporation si Vitangcol na umano’y pilit pinakakapitalan sa Inekon. At nang tanggihan ng dalawang Czech ang kikil at pagkapital, kinontrata umano ni Vitangcol ang kumpanya ni De Vera para pansamantalang taga-maintain ng MRT-3. Merong mga papeles at petsa na maaring balik-aralan ang mga imbestigador.
Nagsususpetsa ang madla ng cover-up ng administrasyon dahil sa mga panlilinlang sa isyu. May mga paninirang news leaks na hindi umano pirmado ang salaysay ni Rychtar, at walang notaryo ang kay Hušek. Kabulaanan pareho ‘yan. Pirmado at notaryado (ni Atty. Nicanor Jimeno) ang papeles ni Rychtar sa NBI. Wala mang pirma ang ipinadalang kopya sa House of Reps, meron naman itong pirmadong covering letter na nagpapatotoo nito. At notaryado ng official acknowledgment ni Philippine consul to Prague Juan Dayang Jr. ang salaysay ni Hušek.
May mga malisyosong nagsasangkot pa sa mga kamag-anak ng Pangulo sa Inekon. Kung sino ang nag-tsitsismis, ‘yon ang salarin.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gotcha.com