EDITORYAL - Gusot sa MRT, publiko ang talo

PATULOY ang kalbaryo ng mga pasahero ng Metro Rail Transit. Hindi nababawasan ang pila ng mga sumasakay at lalo pang dumadami. Mas lalong kalbaryo ngayong tag-init sapagkat nakalantad sila sa araw bago maka-akyat sa station. Pagdating sa station, pila pa rin sa pagkuha ng card at dusa uli bago makasampa sa tren. Kapag hindi nakasama sa dumating na tren, maghihintay muli para makasakay. At kapag minalas-malas pa, maaaring masiraan ang tren sa gitna at bababa ang mga pasahero. O di naman kaya ay masusubsob ang mga pasahero dahil sa pabigla-biglang preno ng mga operator.

At magpapatuloy ang kalbaryo ng mga pasahero ng MRT hangga’t ang gusot sa pagitan ng namumuno rito at isang ambassador ay hindi nareresolba. Habang nagkakaroon ng mga pagtatalo at pagdidikusyon ukol sa sinasabing extortion ay walang kasiguruhan kung kailan matatapos ang araw-araw na kalbaryo. Parang nagpipinetensiya ang mga com­muter sa pagpila para makasakay sa MRT. Sila ang grabeng apektado ng kontrobersiyang kinasasangkutan ni MRT general manager Al Vitangcol III at nang nag-aakusang Czech ambassador Joseph Rychtar. Ayon kay Rychtar, humihingi si Vitangcol ng $30-million kapalit ng supply contract para sa mga bagon ng MRT. Mariin namang itinanggi ni Vitangcol ang akusasyon. Walang katotohanan ang sinasabi ni Rychtar.

Isa sa kanila ang nagsisinungaling. At ang taumbayan ay hindi malaman kung sino ang nagsasabi ng totoo. Ang Czech ambassador ba ay magaga-wang mag-akusa sa bansang kanyang tinitigilan. Parang mahirap mangyari na basta mag-aakusa kung walang katotohanan. Nagharap ng reklamo si Rychtar sa Department of Foreign Affairs at sa National Bureau of Investigation. Naniniwala kasi si Rychtar na hindi siya makakakuha ng parehas na imbestigasyon sa DOTC kung saan, ang MRT ay nasa ilalim nito.

Ang Malacañang ang dapat nang rumesolba sa usaping ito. Kailangang pamunuan ang MRT ng taong hindi nasasangkot sa anumang gusot. Pumili na si President Aquino nang mahusay na MRT mana­ger at nang hindi magdusa ang commuters. Alisin ang krus at putong na tinik sa mga pasahero ng MRT. Tapusin ang kanilang kalbaryo.

Show comments