‘Turismong de kaldero’

IKINATUWA ng pamahalaan ang iginawad na ratings ng US Federal Aviation Authority sa Philippine aviation industry.

 Ibig sabihin, pumasa o na-upgrade simula sa category 2 at naging category 1 na ang lokal na industriya kung aspeto ng kaligtasan ang pag-uusapan. Maaari na ulit mag-byahe ang mga local airline sa mga malalayong bansa tulad ng America at Europe. Walang duda, tulad ng mga reaksyon ng mga gabinete ng administrasyon, malaki ang magiging kontribusyon nito sa turismo at ekonomiya.

 Pero ang malaking katanungan, nakikita at ramdam ba na sumasabay din sa aviation industry upgrade ang mga tourism site ng bansa?

 Kahit na igawad pa ng Estados Unidos ang pinakamataas na ratings sa aviation industry, mawawalan din lang ito ng saysay dahil ito ay kategorya lamang. Ang ma-laking sampal na katotohanan, ang kalagayan ng turismo, hindi nakakasabay sa papagandang lebel at kategorya. 

Ang mga hotel at daan na kumu-konekta papunta sa mga tourist spot, hindi kaaya-aya kumpara sa mga karatig at kakumpitensya nating bansa sa Asya tulad ng mga bansang Malaysia, Thailand at Indonesia. Sa mga imprastruktura, transportasyon at serbisyo palang, mapapansin na ang malaking kaibahan sa ating bansa. Kaya naman, ang mga turista, bumabalik ng bumabalik sa kanilang lugar.

 Naniniwala ang BITAG Live na malaki ang papel na ginagampanan ng turismo sa ekonomiya ng bansa. Kung nakikita ng mga dayuhang turista ang maayos na mga imprastruktura simula palang sa mga airport, daungan at daan at ramdam ang serbisyong de-kalidad sa mga establishementong kanilang pinupuntahan, internasyunal ang pamantayan, walang dahilan na hindi sila bumalik at bumisita.

 Hindi ‘yung “kalde-kalderong” turismo na parang dyip lang na buma-byahe sa malubak na daanan papunta sa destinasyon. Andun na rin ang mga kaldero at gulong na salbabida. Hindi ganito ang utak ng mga dayuhan.

 Isa sa mga dahilan kung bakit kilos-pagong ang pag-unlad ng turismo sa Pilipinas sa kabila ng masigasig na kampanya ni Tourism Secretary Ramon Jimenez, ang kawalang sistema at walang kaayusan sa pagbibigay ng mga insentibo sa mga foreign investor.

 Masyadong mahigpit ang Board of Investment at Bureau of Internal Revenue na nasa ilalim ng Department of Finance sa pagbibigay ng mga tax break at tax holiday.

 Hindi nila nakikita ang kahihinatnan ng kanilang aksyon dahil nakatuon sila sa panandaliang kapakinabangan. Masyadong segurista. Idagdag pa dito ang hindi pagkakasundo ng ilang mga gabinete ng pamahalaan partikular ang Department of Transportation and Communications na nangangasiwa sa mga daan, panghimpapawid, panlupa at pandagat. 

Kaya ang mga dayuhan at multinasyunal na imbestor, pinipili nalang na huwag nang mamuhunan at dagdagan ang mga imprastruktura at pasilidades sa mga tourism site sa Pilipinas.

 Ang US FAA ratings ay hindi nangangahulugan na maayos at maganda na ang turismo ng isang bansa.  Ito ay panimula lamang at sinasabing dapat seryosohin ng pamahalaan ang turismo para makaakit ng mga turista.

 Ugaliing manood at makinig ng BITAG Live araw-araw tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.    

 

Show comments