NAGIGING karaniwan na lamang ang pagpatay sa mga mamamahayag sa bansang ito. Parang ibon na binabaril. Ang masakit, hindi nalulutas ang pagpatay at hindi nakikilala ang “utakâ€. Walang silbi ang mga inaasahang magpapatupad ng batas! Mula nang maupo si President Aquino noong 2010, nasa 20 na ang mga mamamahayag na pinatay. Ayon sa National Union of Journalists in the Philippines (NUJP), mula 1986 na nakalaya sa diktadurya ang bansa, nasa 160 na ang mga pinapaslang na mamamahayag.
Nadagdag sa panibagong kaso ng pinaslang na mamamahayag si Rubylita Garcia, 52, ng Bacoor, Cavite. Binaril si Garcia sa harap ng kanyang bahay habang katabi ang kanyang anak at pamangkin noong Linggo ng tanghali. Dalawang lalaki umano ang lumapit kay Garcia at binaril ito ng isa sa mga lalaki, gamit ang .38 kalibre. Hindi pa raw nasiyahan ang gunman, binalikan pa si Garcia at binaril muli para masigurong hindi na mabubuhay. Isang suspect ang dinampot ng mga pulis noong Martes pero hindi umano ito ang gunman, ayon sa anak ni Garcia.
Ni-relieve naman sa puwesto si Superintendent Conrado Villanueva, hepe ng pulisya sa Tanza, Cavite para makapagsagawa umano nang patas na pag-iimbestiga. Ayon sa report, nagkaroon ng pagtatalo sina Garcia at Villanueva, ilang araw bago ang pamamaslang. Ayon pa sa report, nang isugod ang naghihingalong si Garcia sa ospital, ibinulong umano nito sa anak na nakipagtalo siya kay Villanueva isang linggo na ang nakararaan. Inamin naman ni Villanueva na nagtalo nga sila ni Garcia pero wala siyang alam sa pagpaslang dito.
Magpapatuloy ang pagpatay sa mga mamamahayag hangga’t walang nahuhuli at napaparusahang ‘‘utak’’ sa krimen. Lumalakas ang kanilang loob sapagkat wala namang nangyayari pagkaraan ng pagpatay. Lalamig ang kaso at mawawalang parang bula sa isyu. Katulad ng nangyaring pagpatay sa 30 mamamahayag noong Nob. 23, 2009 sa tinaguriang “Maguindanao massacreâ€. Ganundin naman sa pinatay na journalist-environmentalist na si Gerry Ortega noong 2012. Hanggang ngayon hindi pa nahuhuli ang mga “utak†sa krimen.
Sana, tuparin ng kasalukuyang pamahalaan ang pangakong poprotektahan ang mamamahayag at wawakasan ang mga pagpaslang. Nakalaya na ang bansang ito sa diktadurya kaya hindi dapat manaig ang mga mamamatay-tao para masupil ang mga mamamahayag sa paglalantad ng katotohanan.