LUMABAS na ang desisyon ng Korte Suprema hinggil sa RH Bill na nilagdaan ni President Aquino noong Disyembre ng 2012. Pero dahil sa petisyon ng ilang sektor na pinangunahan ng simbahang Katolika, naglabas ng TRO ang mataas na korte para pag-aralan kung labag nga sa Saligang Batas ang kontrobersiyal na batas. Nagtagumpay ang mga sumusulong ng RH Bill. Hindi raw labag sa saligang batas, pero may ilang probisyon na itinanggal na sa tingin ng korte ay labag sa Konstitusyon. Masaya rin ang mga pro-RH Bill at tapos na ang boksing, o tumunog na ang “final buzzerâ€, ika nga.
Binasa ko ang mga tinanggal na probisyon, at pina-igting ng mataas na korte ang kalayaan ng bawat mamamayan na panindigan ang kanyang paniniwala. Kung ayaw suportahan ang family planning, hindi siya mapaparusahan. At protektado pa rin ang mga menor de edad. Hindi sila basta-basta makakapagdesisyon nang mag-isa, nang walang pahintulot ng magulang. Ganun din ang mga mag-asawa. Kailangan pareho silang may boses sa anumang gagawin hinggil sa family planning.
May desisyon na ang mataas na korte. Sana ay respetuhin na ng lahat ng panig, anuman ang kanilang paniniwala. Sana tumigil na ang mga debate, bangayan, siraan, at awayan. Ayon sa CBCP, handa na raw silang makipag-ugnayan sa mga naging katunggali nila sa isyu, para maging tunay na makatarungan ang RH Bill at mabantayan pa rin ang kaluluwa ng bansa. Mananatili pa rin ang kanilang mga paniniwala, at ipagpapatuloy ang pagturo nito sa kanilang mga parokyano kung ano sa tingin nila ang tama at mali. Dapat lang. Simbahan pa rin sila, may pananampalataya pa rin sila na hindi magbabago dahil lamang sa desisyon ng mataas na korte. Nangako naman na hindi sila magiging balakid o lalabag sa batas na ngayo’y ligal na ligal na.
Sigurado naman ako na kung sakaling maganap ang lahat ng masamang mangyayari kung ipasa ang RH Bill – tataas daw ang bilang ng mga batang mabubuntis, tataas daw ang bilang ng mga magpapalaglag, tataas daw ang bilang ng mga sanggol na mamamatay, tataas daw ang krimen ng panggagahasa at iba pa – babalik muli ang mga kontra-RH Bill sa mataas na korte. Kung mangyari nga.