LIMANG buwan na ang nakalilipas mula nang manalasa ang Bagyong Yolanda na pumatay ng 6,000 katao at nag-iwan nang hindi malilimutang pinsala sa Samar, Leyte at iba pang probinsiya sa Kabisayaan. Hanggang ngayon, marami pa ang hindi nakababangon at ang bangungot nang mabangis na bagyo ay nasa kanila pang alaala. Hindi nila alam kung kailan malilimutan ang bangis ni Yolanda o hindi na nila ito malilimutan sa buong buhay nila.
Mas lalong lumilinaw ang bangungot kapag umaabot sa kanilang kaalaman na ang relief goods na dapat ay ipamudmod ay hindi nakakarating sa kanila at ang iba naman ay nabubulok lamang at itinatapon o ibinabaon. Habang marami sa kanila ay hindi malaman kung makakakain pa o hindi na dahil sa kakulangan ng ipinamamahaging relief, mayroon naman palang bumabagsak lamang sa karinderya at ipinagbibili.
Isang karinderya sa Tacloban, Leyte ang nahulihan ng 17 sako ng bigas na may tatak na “DSWD Relief Supplies. Not For Sale†ang ipinagbibili ng may-ari nito. Ang nakahuli mismo sa karinderyang nagbebenta ng bigas ay isang opisyal ng DSWD. Kakain ng hapunan sa eatery ang nasabing opisyal nang kanyang makita ang maraming bigas (25 kilos bawat sako) sa loob. Agad kumontak ng pulis ang opisyal at kinumpiska ang mga bigas. Ayon sa may-ari ng eatery na nakilalang si Marchita Ygrubay, 52, hindi niya alam na bawal palang ipagbili ang mga bigas na para sa Yolanda victims. Ayon kay Ygrubay, tinutulungan lamang niyang magbenta ang mga biktima ng Yolanda. Hindi naman niya sinabi kung sino ang mga tinutulungan.
Ipinagharap ng kasong criminal si Ygrubay. Ayon sa DSWD, magsilbi raw leksiyon sa lahat ang ginawa ni Ygrubay. Hindi raw patatawarin ang mga gumagawa ng kabuktutan lalo’t may kinalaman sa mga pagkaing ipamamahagi sa mga biktima.
Tanong lang. Bakit hindi agad na-monitor ng DSWD ang ginagawa ni Ygrubay. Limang buwan pa ang pinalampas bago natuklasan ang kabuktutan. Maaaring marami pa ang nagbebenta ng relief goods kaya dapat manmanan sila at pagnahuli, parusahan nang mabigat.