Malaysian, Indonesia naval forces ’di-mapagkatiwalaan!
MULING umatake ang mga sinasabing Abu Sayyaf terrorist group at dinukot ang isang Chinese tourist at isang Filipina hotel worker sa Singamata Resort sa Semporna, Sabah noong nagdaang Huwebes.
Pag may pangyayaring pagdukot na ganito agad-agad ang Abu Sayyaf ang tinuturong nasa likod ng kidnapping sa Western Mindanao.
Ngunit paano nga ba malayang nakakapuslit ang mga Abu Sayyaf na ito at sila ay hindi man lang namamalayan tuwing papasok sila ng Malaysian territory, partikular na sa Sabah?
Totoong porous at napakalawak ang ating mga baybayin lalo na sa Western Mindanao. Ngunit bakit malayang nakakagalaw ang mga Abu Sayyaf sa area?
Minsan ko na ring nakapanayam ang ilang Malaysian Navy officials noong ako ay nasa Sandakan, Sabah ukol sa mga activities ng Abu Sayyaf.
Inamin ng mga nasabing Malaysian officials na may mga tiwali rin silang mga kasama na nakipagsabwatan sa Navy officials din ng Indonesia sa pagsagawa ng illegal activities sa karagatan ng magkakalapit nating mga bansa.
Ang sabwatang ito ng mga Malaysian at Indonesian naval officials ay ukol din daw sa ‘piracy in the high seas’ na nagaganap na kung saan ang karaniwang biktima ay ang mga fishing vessels at iba pang barko na dumadaan sa nasabing karagatan.
Maliban sa pag-atake ng sea vessels, sangkot din daw ang mga Indonesia at Malaysian naval officials sa mga ginagawa ng Abu Sayyaf kaya malaya silang nakakagalaw at palipat-lipat ng isla.
Hindi na nakapagtataka kung bakit naging mapangahas ang Abu Sayyaf sa lagim na hinahasik nito lalo na sa mga biktima na dinudukot nila sa mga Malaysian resorts ng Sabah at sa karatig bansa nito gaya ng Indonesia at maging sa Pilipinas mismo.
- Latest