Nagaganap ngayo’y maraming sakuna
Daming nasasawi kahi’t walang digma;
Sa maraming dako ay tumitihaya
Mga taong buhay biglang nawawala!
Isang eroplano nasa himpapawid
Ang biglang naglaho sa ating pangmasid;
Kung saan napunta walang makaisip
Iibong pasahero ang doo’y nabulid!
At dito sa ating bansang minamahal
Hindi na mabilang mga namamatay;
May mga nasawi sa pagbabarilan
May mga nalunod sa dalampasigan!
Sa lahat ng dako’y daming nasasawi
Kung bakit ganito’y hindi na mawari;
Magkakapitbahay sa bawa’t sandali
Sa munting alitan agad nasasawi!
Maging sa lipunan ng mayama’t dukha
Mga mamamayan agad nawawala;
May mga binaril dahil nagwawala
May bata’t dalaga na ginagahasa!
Bakit nga ganito itong ating bayan
Sa lahat ng dako ay may kaguluhan?
Mga dating pook ng katahimikan
Ngayo’y may karet na nitong kamatayan!
Sa lahat ng dako’y talo ang relihiyon
Ang takot sa Diyos ay wala na ngayon;
Ito ba ay dala ng bagong panahon
O dahil ang tao’y demonyo na ngayon?