IDINEKLARA ni Mayor Erap Estrada na dapat nang umalis sa Maynila ang tinaguriang “Big 3 oil depots†na matagal nang nag-o-operate sa bahagi ng Pandacan dahil mala-king peligro ang hatid nito sa mga residente gayundin sa mga susing pasilidad at aktibidad hindi lang ng Maynila kundi maging ng buong bansa.
Ang oil depots ay sumasakop sa ilang ektaryang lupain sa Maynila at maraming taon nang ginagamit bilang storage and distribution facilities ng Shell (mula pa 1914), Caltex/Chevron (1917) at Petron (1922).
Noong 1997 ay dalawang oil tanker ang sumabog sa loob mismo ng oil depot complex. Noong 1999, nagkaroon ng leak ang isang pipeline ng depot at nagdulot nang malaking sunog sa Muntinlupa City na ikinamatay ng isang residente. Noong January 2008, isang oil tanker ang nagliyab sa paanan ng Nagtahan flyover. Noong July 2010, nagkaroon muli ng pipeline leak ang depot at nagresulta sa paghalo ng langis sa tubig ng West Tower Condominium sa Bangkal, Makati City.
Noong 2005, iniulat ng University of the Philippines College of Medicine na natuklasan nito ang maraming kaso ng neurophysical disorder sa mga residente sa paligid ng oil depot.Lumabas din sa resulta ng isang health survey na ang hangin sa naturang area ay nagtataglay ng mataas na lebel ng benzene, o kemikal na nagdudulot umano ng cancer.
Noong 2013 naman, iniulat ng Laguna Lake Development Authority (LLDA) na ang oil depot ay malaking pollutant sa Pasig River na dumadaloy patungo sa Laguna lake.
Sinabi ni Mayor Erap na ang mga pangyayaring ito ay patunay ng panganib na dulot ng oil depots. Nakakikilabot aniya ang mas malalaki pang panganib ng oil depots laluna’t ito ay nasa tapat ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) na kinikilala bilang pamantasan na may pinakamalaking student population sa bansa (mahigit 40,000 ang estudyante nito, base sa statistics). Ang depots ay dalawang kilometro lang ang layo sa Malacañang.