‘Langhap’ (Taxi modus)

HINDI na bago ang modus ng mga pagala-galang utak-kriminal na drayber ng taxi.

Dahil sa tumataas na estatistika ng mga nabibiktima, nitong Enero sa tulong ng mga dalubhasang doktor, eksklusibong natukoy ng grupo ng BITAG ang ‘delikado’ at nakakawala ng malay-taong kemikal.

Ito ‘yung kemikal na kapag nalanghap ng pasahero sa loob ng airconditioned taxi makakaramdam sila ng pagkahilo, pamamahid ng katawan at panghihina.

Ang siste, sadyang itinututok ng mga nagpapanggap na drayber ang basang face towel o ‘di naman kaya ini-spray ang kemikal sa labasan ng hangin o aircon vent ng sasakyan.

Ilang segundo lang, ang oportunistang putok sa buhong drayber naisasagawa na ang pagnanakaw at pangmo-molestiya sa kanilang malas na biktima.

Ipinalabas namin ang episode na ito sa telebisyon o ang  “Langhap.”

Nitong mga nakaraang araw, eksklusibong ibinalita ng isang malaking television network ang “taxi spray.”

Dalawang babae umano ang muli na namang nabiktima. Hindi nila tinukoy ang ginamit na kemikal. Sa anggulo nila ng balita, para bang bago pa rin sa kanila ang nasabing modus.

Isa sa mga dahilan kung bakit namamayagpag ang ganitong uring modus ay ang kasalatan ng mga awtoridad na matukoy ang suspek.

Aminado ang LTFRB na sa apatnapung libong taxi units na tumatakbo sa lansangan, wala silang malinaw na estatistika ng mga kolorum na pumapasada. Ito ang ginagamit sa pambibiktima. 

 Ayon sa National Bureau of Investigation, babaeng pasahero partikular ang mga umuuwi sa gabi ang karaniwang target.

Dati pa at paulit-ulit na all points bulletin ng BITAG sa mga sumasakay ng taxi partikular sa mga babae, all year round o walang pinipiling panahon ang “taxi modus.”

Upang hindi mapasama sa estatistika ng mga nabibiktima ng iba’t ibang uring modus, ugaliing makinig at manood ng BITAG Live sa Radyo5 92.3 News FM at Aksyon TV araw-araw tuwing alas 10:00 -11:00 ng umaga.

Ang “Langhap” na ipinalabas sa telebisyon noong Enero ay mapapanood sa bitagtheoriginal.com.

 

Show comments