MULI naming napagkuwentuhan ni Sen. Jinggoy Ejercito Estrada ang Special Program for Employment of Students (SPES).
Ang kasalukuyang summer ay karaniwang itinuturing na panahon ng bakasyon at pahinga nang maraming kababayan. Pero ito rin ay magandang oportunidad na puwedeng samantalahin ng mga nakabakasyong estudyante upang sila ay mag-hanapbuhay at kumita ng magagamit na pantustos sa kanilang pag-aaral sa muling pagbubukas ng klase sa Hunyo.
Ang SPES ay naisabatas noong 1992 sa ilalim ng Republic Act 7323, at pinalawig naman noong 2009 sa ilalim ng Republic Act 9547 na isinulong ni Jinggoy bilang Chairman ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development.
Alinsunod sa programa, ang mga kabataang 15-25 anyos ay puwedeng magtrabaho sa mga tanggapan ng pamahalaan o pribadong kumpanya sa panahon ng kanilang summer vacation gayundin sa Christmas vacation para sa mga nasa high school, habang ang mga nasa kolehiyo o technical at vocational courses naman ay maaaring tanggapin sa anumang panahon.
Sila ay tatanggap ng suweldo na hindi bababa sa minimum monthly wage rate sa partikular na lugar ng kanilang magiging trabaho. Ang 60% ng suweldong ito ay matatanggap nang cash mula sa employer, samantalang ang nalalabing 40% naman ay matatanggap bilang voucher na ipambabayad sa tuition fee sa paaralan o pambili ng mga libro sa alinmang educational institution. May nakaambang parusang pagkakulong at pagbabayad ng multa sa mga establishment na hindi kikilala at tatanggap ng nasabing education vouchers.
Ang mga oras ng ginawang pagtatrabaho naman sa kumpanya o tanggapan ay maaaring ikonsidera bilang panahon ng probationary period ng estudyante sakaling magtrabaho muli siya sa kumpanya matapos ang graduation. Maaari rin silang makakuha ng academic credits kung ang kanilang mga naging gawain sa SPES ay naaayon sa kanilang kurso.
Una rito ay inihayag ng Department of Labor and Employment (DoLE) na pormal nang nagsimula ang SPES para sa 2014, at naglaan dito ang pamahalaan ng P500 milyong budget na makatutulong sa humigit-kumulang na 200,000 estudyante na inaasahang lalahok sa programa.