Iba ang dating

TUMANGGI si DOJ Sec. Leila de Lima na magkomento tungkol sa rebelasyon ng dalawang dating NBI Deputy Director, sina Reynaldo Esmeralda at Ruel Lasala, na sinasangkot ang kanyang dating asawang si Atty. Plaridel Bohol sa kaso ni Gng. Janet Napoles. Maalalang kapwa pinatalsik sa puwesto sina Director Esmeralda at Lasala dahil diskumpyado si De Lima na sila ang nag-tip kay Gng. Napoles noong Agosto sa napipinto nitong aresto. NakumbinsI ni De Lima si P-Noy na tanggalin ang dalawa dahil may isyu raw sa kanilang “integrity at trustworthiness”.

Ang pagpangalan sa dating asawa ni De Lima at ang paratang na ito mismo ang nag-escort kay Napoles upang pakiusapan ang noo’y NBI Director Nonatus Rojas ay isang seryosong akusasyon. Ang reputasyon ni De Lima pagdating sa pagiging tuwid ay kasing tayog na pinakamataas na gusali sa Pilipinas. Sa katotohana’y epektibo ito sa kanyang high profile na trabaho dahil sa kalasag ng kanyang puri bilang opisyal. Maging ang pagsipa sa trabaho kina Esmeralda at Lasala dahil sa diumanong mga isyung nabanggit ay nalululon ng publiko dala ng kanyang malinis na imahe.

Ang lahat ng ito’y magbabago kung mapatunayang totoo ang paratang nina Esmeralda at Lasala. Kung tunay ngang may impluwensya ang kanyang dating asawa sa mga sensitibong opisina sa ilalim ng kanyang kagawaran, isa itong hindi makatwirang panlalamang na isa ring abusong tinatarget ng matuwid na daan ng Presidente. Kung may basbas ito ni De Lima, pangit tingnan. Kung nangyayari ito ng wala siyang kinalaman, mas lalong pa-ngit tingnan na siya’y naiisahan nang walang nalalaman.

Sa lalong madaling panahon ay kailangan harapin nina De Lima at kanyang dating asawang si Atty. Bohol ang mga mabigat na paratang upang agad mawala ang bahid sa kanilang pangalan. Mabuti pa ay huwag na lang mamamalagi at magpraktis si Bohol sa mga opisinang sakop ng DOJ nang hindi ito mapulaan.  At habang hindi ito nalilinawan, pag-isipan din ni De Lima kung dapat ipaubaya muna sa iba ang paghawak sa kaso ni Napoles para maiwasan ang hindi magandang usapan.

Show comments