PAQAOA

NANG magresign ako bilang Chairman ng National Labor Relations Commission (NLRC)  noong 2006, pinili ko ang Butuan City na magiging retirement place ko dahil doon ako nagtapos ng elementary at high school at doon din ako nagkaroon nang maraming matatalik na kaibigan.

Ang nagtalaga sa akin sa NLRC noong 2000 ay si President Joseph “Erap” Estrada. May taglay na rank na Secretary of Labor ang position ng NLRC Chairman. Kaya nang mag-resign ang butihing Bienvenido Laguesma bilang Secretary of Labor nang mapalitan si Erap ni Gloria M. Arroyo bilang Presidente, inanyayahan ni Renato de  Villa ang Executive Secretary ni GMA na maging Secretary of Labor ngunit tinanggihan ko dahil tatlong buwan pa lang ako noon sa NLRC at may mga programa ako noon na nasimulan at gustong ipagpatuloy tulad ng UNMASK na ang hangarin ay maalis ang mga katiwalian sa NLRC.

Halimbawa minabuti ko na huwag magtalaga ng isang confidential employee ko na maging miyembro ng Public Bidding and Awards Committee (PBAC) ng NLRC. Ito ay para hindi nagkakaroon ng perception na ako’y may personal monetary interests sa pagbili ng office supplies and equipment at pati na sa rental ng mga opisina ng NLRC sa Quezon City at sa regional offices ng NLRC. Hindi rin ako pumayag na personal na makikipag-meeting sa akin ang mga may-ari ng mga building na nirerentahan ng NLRC o ang suppliers ng office supplies. Lahat ay ipinaubaya ko sa PBAC. Nagkaroon din ako nang malawakang reshuffle ng mga Labor Arbiter, may mga tinanggal na sheriff at iba pa.

Ang ibig sabihin ng UNMASK ay Ugnayan Ng Mga Mamamayang Ayaw Sa Katiwalian. At ang ibig sabihin naman ng PAQAOA ay Peace And Quiet And Open Air. ‘Yan ang pangalan ng retirement home ko sa Butuan City sa tabi ng malaking ilog na parang smaller version ng Amazon River sa South America. Sobrang lapit sa ilog. Sabi nga ng friends ko, I’m sleeping with the river.

Show comments