‘Big time kuryente ng INQUIRER’

KUMPLETO ang mga dokumentong pinanghahawa-     kan ni Erwin Tulfo doon sa kanyang radio commercial tulad ng kontrata at broadcast order.

Kasabay ng kontrata ang dokumento ng Bids and Awards Committee mula sa Nabcor na nagpapahintulot ng nasabing placement sa programa ni Erwin sa RMN.

Nakita ko rin ang photocopy ng tsekeng ibinayad sa programang “Birada” ni Erwin Tulfo. Ang ibinayad na tseke ay may kaltas na tax para sa BIR. Ito ba ang sinasabing ““payoff” in form of advertising?”

Kaya’t ang nakuryenteng INQUIRER hindi malaman kung papaano nila lusutan ang kuryenteng balitang kanilang inilathala sa pagdawit kay Erwin sa kanilang media “payoff” kuno.

Pinag-gigiitan pa rin ng mga “kulang-kulang” at pinaninindigan ang kanilang kuryenteng balita. Oo nga naman, kaysa mapahiya at mawalan ng kredibilidad, masisira ang kanilang “integridad.”

Ang paggamit ng salitang “payoff” o suhol ay malis­yoso. Sinubukan pa ng mga kolokoy na palakasin ang kanilang suspetsa sa pamamagitan ng pagpapatibay na “payoff in the guise of advertisement.”

Ito ba ang “Balance News” na ipinagmamalaki nila o “Fearless Views” based on imagination?

Kung nag-aral ang kanilang mga editor at mga reporter ng Journalism na hindi ko naman nilalahat at walang halong pang-iinsulto, papaano nila ipagtatanggol ang isyu sa kanilang kuryenteng balita?

Ang bawat balitang inilalathala sa mga malalaking dyaryo, dapat makatotohanan, balanse at objective. Hindi pwedeng isulat ang balita sa pamamagitan ng interpretasyon o “Interpretative Journalism style” tulad ng estilo ng INQUIRER.

Hindi natin sila pwedeng pakialaman kung ganito nga ang estilo ng pagsusulat ng kanilang balita. Subalit mahalaga itong case study para sa mga Journalism at Mass Communication student kabilang na ang mga propesor at instructor sa kolehiyo.

Hindi ko ipinagtatanggol ang kapatid kong si Erwin. Kaya niyang ipagtanggol ang kanyang sarili.

Sa totoo lang ‘yung aming nakakatandang kapatid na si Mon, kolumnista ng kanilang dyrayo.

Sa isyung ito, trabaho lang, walang personalan. Siguro naman naiintindihan ako ng aking nakakatandang kapatid na si Mon.

Alam ni Mon at naiintindihan niya ang aking sinasabi.  Naninindigan ako bilang isang lehitimong mamamahayag. Tungkulin ko ang magsabi ng katotohanan sa estilo ko at tatak ng kolum kong ito.

Show comments