MARAMING lugar sa Metro Manila ang marumi. Kaya hindi na nakapagtataka kung magkaroon nang maraming lamok, ipis, daga at iba pang insekto sa lungsod. Ang mga nabanggit ay naninirahan sa maruming lugar. Kung saan marumi, naroon sila at tiyak na maghahatid ng sakit.
Noong nakaraang Biyernes, napabalita ang pagkakaroon daw nang malalaking lamok sa isang lugar sa Tondo, Maynila. Nakakatakot ang pagkakalarawan ng mga residenteng nainterbyu sapagkat malalaki raw ang lamok na nangangagat sa kanilang mga anak. Nagsusugat na raw ang mga binti at braso ng kanilang mga anak dahil sa kagat nang malalaking lamok. Natatakot daw ang mga residente na baka magkaroon ng dengue ang kanilang mga anak at pati sila dahil sa kagat nang malalaking lamok.
Malalaking lamok din ang problema ng mga taga-Bagong Ilog, Pasig City. Masyado raw malalaki ang mga lamok na kumakagat sa kanila. Mula pa raw Enero ay naglabasan na ang maraming lamok sa kanilang lugar at kinakagat sila. Ang kawawa raw ay ang kanilang mga anak na nagsisipag-aral. Naaalarma raw sila sa pagdagsa nang malalaking lamok. Baka raw magka-dengue sila.
Agad namang sinabi ng Department of Health (DOH) na ang mga lamok na dumagsa sa Tondo at Pasig ay hindi naghahatid ng dengue. Ang mga ito raw ay lamok-bahay o ang tinatawag na Culex pipiens. Hindi raw carriers ng dengue ang Culex. Sabi ni Assistant Health Secretary and National Epidemiology Center (NEC) head Dr. Eric Tayag, ang pagdami ng Culex pipiens ay maisisisi sa karumihan ng kapaligiran. Marami raw pinangi-ngitlugan ang mga lamok kaya sobrang dami ng mga ito kapag sumalakay sa mga residente. Pero hindi raw dapat mangamba ang mga tao sapagkat hindi nagdadala ng sakit.
Kahit pa hindi nagdadala ng dengue ang mga lamok, dapat panatilihin ang paglilinis ng kapaligiran. Wasakin ang mga tinitirhan ng lamok --- botelÂyang walang laman, paso ng halaman, biyak na goma ng sasakyan, kanal na nakatigil ang tubig dahil sa basura at mga nakayungyong na dahon ng halaman o saging. Alisin din ang mga damit na nakasampay sa madilim na bahagi ng bahay sapagkat dito nagtatago ang mga lamok.
Kalinisan sa kapaligiran at loob ng bahay ang solusyon para malipol ang mga lamok. Kung regular na maglilinis, walang lamok at walang sakit.