Ang bukal ng buhay

SINISI ng mga Israeli si Moises na inalis pa sila sa lupa­in ng Egypt. Sa kanilang paglalakbay ay wala silang mainom na tubig. Uhaw na uhaw sila at pawang galit kay Moises. Sa pagsusumamo niya sa Panginoon ay bumukal ang tubig mula sa malaking bato sa Horeb at nawala ang kanilang uhaw. Kaya pinangalanan nila itong Masa at Meriba.

Ang pananalig natin kay Hesus ang nagpapawalang-sala sa atin. Ibig Niya na kasama ng ating pananalig ang buod ng ating pagsisisi.  Nagbubunga ito ng pag-ibig sa atin ng Diyos. Ibinuhos sa ating puso ito sa pamamagitan ng Espiritu Santo.

Ipinahayag ni Hesus sa ebanghelyo na ang ibibigay Niyang tubig ay hindi lamang nakapag-aalis ng uhaw kundi tubig na nagbibigay ng buhay.  Matitiis natin ang gutom, subalit  hindi ang uhaw.  Sabi ni Hesus, “Ito’y magiging isang bukal sa loob niya, babalong at magbibigay sa kanya ng buhay na walang hanggan.”

Nabighani ang Samaritana at nais niya kaagad ay magkaroon ng tubig ng buhay. Sinubukan siya ni Hesus: “Umuwi ka at isama mo rito ang iyong asawa.” Nagsinu­ngaling pa ang babae na wala raw siyang asawa. Ipi­nahayag naman ni Hesus ang katotohanan sa babae na lima na ang kanyang naging asawa at meron pang kinakasama. Ibig sabihin, gagantimpalaan tayo ng tubig ng buhay kung ating pasisisihan ang kasalanan. Naalaala ko, sa mga pa-misa at blessing ay itinatanong ko sa nag-imbita sa akin ang tungkol sa asawa na hindi ko nakikita sa tahanan, “Nasaan ang iyong mister?” Sagot ng babae: “Wala na po.” Tanong ko muli: “Namatay na? Nasa kabilang buhay?” Sagot ng babae: “Nasa kabilang bahay po. Hiwalay na kami.”

Paalaala sa mga mag-asawa. Igalang natin ang kabanalan ng sakramento ng kasal. Kaawawa ang bansa natin, wala ngang deborsyo, pero marami namang kabit. Ito ba ang kinaugalian nating “the only Catholic country in Asia” na puro naman kasalanan?

Exodo17:3-7; Salmo 94; Romans 5:1-2, 5-8 at Juan 4:5-42

 

Show comments