SA isang investment and transportation forum noong Huwebes, inilahad ng DOTC ang mga planong malalaking proyekto para sa mga darating na taon. At ang napansin ko kaagad ay ang P135 billion subway na magkokonekta sa Pasay, Makati at Bonifacio Global City. Dalawampung kilometro ang haba ng subway na ito. Labing-isang istasÂyon ang planong ilagay sa kahabaan ng linya. Hihingi muna ng pahintulot sa NEDA ang proyekto, at kapag nakuha ito, hahanap na ng kontratista sa pamamagitan ng public bidding sa taong 2015.
Nagtataka nga ako kung bakit ang Metro Manila ay walang subway gaya ng siyudad sa ibang bansa. Matagal nang uri ng transportasyon ang subway, pero tila hindi naisip gawin at ngayon lang pinapanukala. Sa Hong Kong, 1910 pa lang ay may riles na sila para sa ganitong klaseng transportasyon. Sa New York, 1904 pa lang ay gumana na ang kanilang subway. Ang Tokyo, Japan, 1927 pa lang meron nang subway. Ang mga ibang siyudad, matagal nang may ala-MRT at LRT na pampublikong tren. Bakit tila huling-huli na tayo, e ang laki ng populasyon ng Metro Manila, bukod sa matinding trapik?
Malamang ay pera ang sagot diyan. Pera na ayaw ibuhos sa isang pampublikong sistema ng transportasyon tulad ng subway. Pera na napunta lamang sa bulsa ng iilan mula panahon ni Marcos hanggang kay Arroyo. Sa mga nababalitaang anomalyang nauungkat ngayon, matagal na siguro tayong may subway kung napunta lamang sa bansa ang mga pondo. Ilang bilyon ang nawala sa kaban ng bayan sa mga dekadang lumipas? Magkano lang ang isang mass transit system nong dekada ‘70, kumpara ngayon? Mga sayang na panahon, sayang na oportunidad para sa kaunlaran.
Ang aking tanong ay, kung sa 2015 pa lang hahanap ng kontratista, kailan pa matatapos ang proyekto? Sigurado hindi sa 2016. At kung hindi nga sa 2016, matapos naman kaya ang proyekto, o baka mawalan na naman ng pondo ang gobyerno, tulad ng mga nakaraang administrasyon? Di kaya mag-ala-Northrail iyan, na walang nangyari? Maganda ang mga plano. Pero sana nga ay matupad at matapos. Ambisyoso ang mga plano. Mababago talaga ang lungsod kapag natupad. Kailangan bantayan ng taumbayan, kung sakaling magsimula na.