HINDI pa inaaksyunan ng Korte Suprema ang petisyon ni Sen. Bong Revilla na nagpapatigil sa preliminary investigation sa kinasasangkutang “pork barrel scam.†Sa halip, inatasan ng SC si Ombudswoman Conchita Carpio Morales na magkomento sa petisyon ni Revilla.
Ganyan talaga ang mga legal proceedings. Masali-muot kaya tuloy maraming mga usapin ang tumatagal nang taon at hindi nareresolusyunan.
Kung ako ang nasa kalagayan ng Senador, bakit ko ipatitigil ang imbestigasyon kung hangad kong linisin ang aking pangalan? Marahil natatakot siya na magiging impartial ang gagawing pagsisiyasat at siya ay lalung ipagdidiinan. Siguro’y pinangangambahan niya na ang judicial system ay kayang manipulahin ng kanyang mga kalaban sa politika dahil ang mga ito ang nasa kapangyarihan.
Pero sa tingin ko, ang paggamit ng prosesong legal para ipatigil ang ano mang imbestigasyon, bagamat karapatan ng bawat tao ay tila nagpapakita na ang isang inaakusahan ay may kinatatakutan.
Nagiging dahilan pa iyan ng pagkabalam sa resolus-yon ng mga kaso. Iyan ang tinatawag na delaying tactics.
Alam nating karapatan ng sino mang tao na gamitin ang mga legal remedies kapag nasasangkot sa mga kasong kriminal. Ngunit sa mata ng taumbayan nagkakaroon ito ng negatibong kahulugan kung minsan. Sa pananaw kasi ng iba, ito’y isang paraan para makaiwas ang mga akusado sa asunto.
Kung inaakusahan ka at kaya mong pasinungalingan ang akusasyon sa mga hawak mong ebidensya, lumaban ka.
Sabi nga ng kaibigan nating si Atty. Jose Sison, “kapag may katuwiran, ipaglaban mo.†Sabagay, ganyan ang legal process at bawat tao, nag-aakusa man o inaakusahan ay may karapatan sa mga ganyang sistemang itinatadhana ng batas.
Sabihin na nating napupulitika nga siya at ang kanyang mga kasamahan sa kaso tulad nina Sen. Jinggoy Estrada at Juan Ponce Enrile, lalung mahalaga na talagang mapatunayang sila’y malinis at walang kasalanan sa pamamagitan ng pagharap at paglaban sa kaso.