HINDI problema para sa marami ang pangalanan ang mga Senador ng bayan. At halos lahat sa atin ay kilala ang ating kongresista at mga lokal na opisyal. Ito’y dahil dinaan sa halalan ang pagpili sa kanila matapos ang pampublikong kampanya kung saan lahat sila’y nagpakilala sa lipunan.
Iba ang sitwasyon pagdating sa ating mga mahistrado. Sa tatlong malaking sangay ng pamahalaan, tanging ang Supreme Court ang hindi dumaan sa kilatis ng botante. Ni hindi sila nasuri ng mga kinatawan natin sa Kongreso. Ang mga ito’y appointed ng Pangulo matapos makalusot sa Judicial and Bar Council (JBC) na pawang presidential appointee din ang nakapuwesto. Maliban sa mga abogado, mahihirapan kang makahanap ng karaniwang taong kayang pangalanan ang 15 na myembro ng Mataas na Hukuman.
Ang distansya ng institusyon ng hudikatura ay sadya. Dahil sila ang inatasan na humatol sa mga importanteng usapin, nararapat lang na proteksyunan ang kanilang pagi-ging patas at ilayo sila sa pang-abot ng pulitika.
Itong Mayo ay muling pag-uusapan ang komposisyon ng Supreme Court dahil sa retirement ng isa sa pinakaresÂpetadong myembro nitong si Associate Justice Roberto Abad. Si Justice Abad ay kinilala bilang sparkplug ng korte na laging maasahang manguna sa mga reporma ng institusyon.
Sa mga pinag-uusapang kandidatong ipapalit sa kanya, lutang na lutang sa propesyon ang pangalan ni Sol. Gen. Francis Jardeleza, Dean Jose Manuel Diokno at Court of Appeals Presiding Justice Andres Reyes, Jr. Lahat din ng kasama nila sa listahan ng 14 pangalan na sasalain ng JBC ay pawang mga karapat dapat na makonsidera.
Ang komposisyon ng Supreme Court ay mas mahalaga pa sa sandaliang mga komposisyon ng dalawang kamara ng Kongreso dahil babagsak sa kanilang kandungan ang pagpasiya sa lahat ng mabibigat na kontrobersya ng ating panahon. Sana’y makapili muli ang Pangulo ng mahusay na kahalili kay Justice Abad nang higit na mapalakas ang institusyon ng Supreme court at nang maibangon muli ang magandang imahe na dati nitong naipagmamalaki.