‘Idiot board’

SUMIMANGOT si President Benigno Aquino sa walang puknat na espekulasyong may isang mataas na opisyal ng pamahalaan na nagtangkang manghimasok sa pag-aresto kay Delfin Lee.

Ayon sa Presidente, sa halip na bigyang-malisya ito ng publiko, dapat magpasalamat na lang dahil nahuli at nakakulong na ang umano’y estapador. Wala na rin daw dapat pang patunayan ang pamahalaan hinggil sa isyung ito.

Nasubaybayan ng taumbayan ang kontrobersyal na pagkakaaresto kay Lee noong Marso 6. Nabulabog ang Kampo Crame. May mga nangyaring tawagan. “Kinuwestyon” ni Oriental Mindoro Governor  Alfonso Umali ang bisa o effectivity ng arrest warrant ng korte. Nagkaroon nang malaking kalituhan na umabot sa puntong ilalarga na sana si Lee. Subalit, nagkabukuhan dahil may nakasilip mula sa tanggapan ng Housing Urban and Development Coordina-ting Council na nasa ilalim ni Vice President Jejomar Binay.

Kinu-kwestyon din ng abogado ni Lee ang legalidad ng pag-aresto ng mga awtoridad. Iginigiit nito ang hawak na sertipikasyong tinanggal na si Lee sa “wanted fugitive” list na pirmado mismo nina PNP Chief Alan Purisima at CIDG acting director Benjamin Magalong. Kinumpirma ng pamunuan ng PNP at CIDG ang delisting pero hindi naman daw ito naisulong sa Department of Justice.

Sa ganitong uring kaso, hindi maaaring gawing basehan, ninuman ang anumang sertipikasyon na nanggaling at pinir­mahan lang ng kung sino-sinong talpulano. Magiging legal lamang ang isang dokumento kung ito ay inisyu at pinagtibay mismo ng hukuman. 

Ngayon, sinasabi ng pangulo na mayroon na namang mabi-BITAG sa natitirang apat na fugitive.

Papaano pa magkukusa at magkakaroon ng lakas ng loob ang mga awtoridad na hantingin ang mga nasa wanted list  kung iniisip nila na sasapitin din lang pala nila ang nangyari kay Senior Supt. Conrado Capa.

Sa halip na bigyan ng reward, i-promote, “pinarusahan.” Na-demote. Lumalabas tuloy, ang bagong pakahulugan at spelling ng “promotion” sa “idiot board” ng PNP ngayon ay “demotion.” Ang “accomplishment” ay kalituhan o “confusion.”

Ayon kay Purisima at Magalong, natutunan daw nila ang ‘due diligence’ sa nangyaring pag-aresto kay Delfin Lee. Importante rin daw na dapat magkaroon na sila ng “bagong” polisiya sa PNP o ‘yung pakikipag-ugnayan sa hukuman.

Totoo ba ito, palabas lang o nagpapatawa kayo sa mga kapalpakan ninyo?

Ang isang pulis, kapag hindi ginawa ang ‘due diligence’ sa isang trabaho, hindi pu-pwedeng tawaging “pulis.” Simula palang sa pagkalap ng mga ebidensya, case build up o pagpapatibay ng kaso hanggang sa paghuli at pag-aresto, dapat hindi bara-bara. Ngayon, mas maganda siguro kung magkakaroon ng pagsusuri para maimbestigahan ang mga taong nagtangkang makialam at manghimasok sa nangyaring pag-aresto.

Palaisipan at  malaking katanungan pa rin hanggang ngayon sa publiko ang dahilan ng pagpirma nina PNP Chief at CIDG acting director sa delisting at ang ginawang “pagpapatapon” kay Capa sa Cebu.

 

Show comments