Bahala silang mag-isip
“BAHALA silang mag-isip.†Ito ang pahiwatig ni Presidential spokesperson Edwin Lacierda nang tanungin kung anong mensahe ang ipinaaabot sa China sa kasalukuyang negosasyon sa pagitan ng Pilipinas at Amerika kung saan madadagdagan ang mga puwersang militar sa bansa. Inaayos na ang kasunduan kung saan ipagagamit ang ating mga base militar sa mga Amerikano. Nilinaw na hindi magtatayo ng sari-ling mga base ang mga Amerikano, at ipagagamit lamang ang ating mga base sa kanila kung kinakailangan. Iginiit din na ang paglipat ng teknolohiya ang pakay, at hindi ang paggamit ng mga puwersa at kagamitan ng mga Amerikano.
Siyempre, nag-react ang China. Naglabas ng panibagong banta ang China sa mga barkong papunta muli sa Ayungin Shoal. Natatandaan ninyo na itinaboy ng Chinese Coast Guard ang dalawang barkong inarkila ng Philippine Navy para magdala ng supplies sa BRP Sierra Madre, pati na rin ang mga papalit sa mga Marines na tatlong buwan nang nakatira sa kinakalawang na barko. Napilitan tuloy ang Philippine Navy na mag-airdrop ng supplies sa Marines.
Parang chess ang nagaganap ngayon. Kikilos tayo, may kontra ang China. Kikilos muli tayo, may kontra na naman ang China. Pero malinaw na tayo ang dehado sa larong ito. Kailangan ng ating mga sundalo ang supplies, at kailangan din silang marelyebo. Kaya pupunta ang ating mga barko. Kung ano ang sunod na kilos ng China, baka gusto nilang mag-isip-isip muna. Maliban na lang kung ang pakay talaga ay palakihin na ang isyung ito. Dapat kumikilos na ang UN sa mga nagaganap sa Spratlys. Kailangan na talaga ng desisyon hinggil sa reklamo natin. Ang mahirap, tila takot din ang UN sa China, dahil mayaman, dahil malaki at malakas ang militar.
Alam kong mainit na isyu na naman para sa iba ang pagda-ting ng mga Amerikanong sundalo sa bansa. Pero tanungin ko na lang sila, ano pala ang gagawin natin sa pagsisiga-sigaan ng China? Ayaw naman nilang idaan sa maayos na usapan. Ang gusto nila ay sila ang may kontrol sa usapan. Kaya tama ang pahayag ni Lacierda, na bahala silang mag-isip.
- Latest