NABABAHALA ang Amerika sa ginawa ng China na pagpigil sa dalawang barko ng Pilipinas na makapasok sa Ayungin Shoal noong Linggo. Nagtungo ang mga barkong kinontrata ng Philippine Navy para magdala ng mga supplies sa mga sundalong nakatalaga sa isang kinakalawang na barkong sadyang isinadsad sa Ayungin Shoal bilang pag-aangkin ng Pilipinas sa nasabing lugar. Nagsisilbing kampo ang kinakalawang na barko para sa mga sundalong nagbabantay ng interes ng bansa, kahit gaano pa kasama ang kanilang sitwasyon at kundisyon.
Isipin na lang natin ang sitwasyon ng mga sundalo sa BRP Sierra Madre. Kinakalawang ang buong barko, kaya kung masusugatan sila ay hindi malayo ang tetanus. Malayo sila sa pinakamalapit na ospital. Mainit, maalinsangan, malungkot. Dumedepende sila sa pagdala ng supplies mula sa Pilipinas – pagkain, tubig, pang araw-araw na kagamitan, mga baterya, libro, baka generator at iba pa para kahit papano ay maging kumportable sila sa ganyang sitwasyon. Minsan ay dinadaanan sila ng mga mangingisda sa dagat. Nakikipagkuwentuhan, at nabibigyan sila ng bahagyang huli ng mga mangingisda. May mga armas, pero alam nila kung sila ay lulusubin ay wala silang kalaban-laban. Baka nga hindi kailangang lusubin at babarilin na lang mula sa malayo ng mga kanyon ng barko, tapos na sila.
Pero dito mo maiintindihan ang ibig sabihin ng isang linya ng ating Pambansang Awit. “Sa manlulupig, di ka pasisiil.†Kahit gaano kasama ang kanilang sitwasyon, lahat sila’y walang kalaban-laban kung sakali, hindi pa rin matitinag ng kalaban. Nandoon sila para ipagtanggol ang teritoryo ng bansa. Nandoon sila para bantayan ang interes ng bansa, ng mamamayang Pilipino. Wala na sigurong mas mahirap na serbisyo para sa sundalo ang matalaga sa BRP Sierra Madre.
Mas agresibo na ang China ngayon sa kanilang pag-aangkin ng teritoryo. Ginagamitan na tayo ng water cannon, hinaharang na ang mga barko natin. Mabuti na lang at nakapagpadala pa rin ng mga supplies sa BRP Sierra Madre sa pamamagitan ng airdrop. Pero baka hindi magtagal ay harangin na rin ng mga eroplanong pandigma ng China ang mga eroplanong pumapasok sa kanilang inaangking himpapawid. Hindi na rin sapat ang mga magsalita lang ang Amerika. Kailangan kumilos na rin sila bago lumaki ang problema. Sa ngayon, tubig at pagharang lang ang pamamaraan na ginagamit. Paano kung umabot na sa mas peligrosong pamamaraan?