MATAKOT tayo, dahil nalalasog na ang ating bansa. Nilistang think tank Foreign Policy Institute ang Pilipinas bilang ika-59 sa mga lumalagpak na bansa nu’ng 2013. Pang-siyam na beses nang natala ang Pilipinas sa Failing States Index.
Nu’ng 2013 nasa gitna ng Mozambique at Madagascar ang Pilipinas sa mga nalalansag na bansa. Lamang tayo sa Somalia, Congo, Sudan, at South Sudan, mga bansang tinuring ng FPI na lasog na. Pero napag-iwanan din tayo ng mga kapit-bansang Indonesia, No. 76; Thailand, 90; Vietnam, 97; at Malaysia, 116.
Ito’y batay sa 12 pamantayan ng FPI:
(1) Walang panangga ang mamamayan sa sakit, sakuna, gutom, polusyon, at pagwasak ng kalikasan;
(2) Tao lumisan sa refugee camps, at nagkakasakit doon;
(3) Sobrang agwat sa kinikita ng mayayaman at mahihirap;
(4) Diskriminasyon; kawalan-boses; sigalot ng relihiyon o tribo;
(5) Brain drain, paglisan, pangingibang-bansa ng mamamayan;
(6) Laganap na karalitaan, kawalan-trabaho, gutom, at paglubog ng ekonomiya; ilegal na ekonomiya; droga;
(7) Banban dahil tiwali ang gobyerno, magulo at pang-makapangyarihang halalan, malimit na protesta, at bangayang pulitika;
(8) Sablay ang mga serbisyong publiko: Edukasyon at literacy, kalusugan, tubig at kalinisan, pulis at kriminalidad, mga kalsada at infrastructures, at kasapatan ng telepono, Internet, at kuryente;
(9) Pagyurak sa karapatang-pantao, kabilang ang pamamahayag, human trafficking, bilanggong politikal, at pagpapabaya sa torture;
(10) Katatagang panloob, loose firearms, kudeta ng militar, pagbobombang terorista;
(11) Political dynasties at paksyon-paksyon ng naghaharing uri; at
(12) Pang-aapi at pagkagapi ng ibang bansa.