P9-B PCOS machines papalitan ng mas mahal

“PAMBUBUSABOS sa pera ng bayan.” ‘Yan ang paha­yag ng Movement Against Graft and Abuse of Power sa balakin ng Comelec na palitan ang voting machines ng mas mahal na kagamitan. Meron ang Comelec sa kasalukuyan ng 82,000 precinct count optical scanners (PCOS). Ni-lease-purchase ito mula sa Smartmatic sa halagang P9 bilyon, at dagdag pang P3 bilyon ang gastos sa pagbobodega. Nais ng Comelec ibenta ito sa bansa na nag-o-automate ng election nila. Tapos, bibili sila ng 90,000 direct-recording electronic (DRE) o touch-screen machines. Ang halaga: P60 bilyon, bukod pa ang pagbobodega.

Anang MAGAP, kontra ang planong ito sa naunang pahayag ni Comelec chairman Sixto Brillantes. Pinuri ni Brillantes ang pagpayag ng Korte Suprema nu’ng 2012 na bilhin nila ang PCOS machines, tapos ngayon ay ibebenta lang pala.      

Kontra-kontrahan ang iba pang pahayag ng opisyales ng Comelec sa balaking ito. Ani executive director Jose Tolentino Jr., nakabisa na ng madadayang politiko ang PCOS machines sa dalawang eleksiyon, kaya madali na nila itong ma-manipula. Aba’y dati-rati ipinaggigiitan ng Comelec na foolproof ang PCOS. Ito’y sa kabila ng pagsablay ng isa sa bawat apat nito nu’ng 2013 election, kaya hindi natapos ang bilangan.

Sabat naman ni spokersman James Jimenez, mara-ming bansang maaring alukin bilhin ang lumang PCOS machines ng Comelec. Pero sabi rin niya na luma at sira-sira na ang maraming units. Papano niya maibebenta ang produktong sinisiraan din niya? Dagdag pa ni Jimenez na dalawang bansang maaring bentahan ay Japan at Korea. Nahihibang ba siya? Nangunguna ang mga ‘yon sa robotics technology sa mundo, kaya bakit sila bibili ng scrap mula sa Pilipinas?

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gotcha.com

 

Show comments