Magandang balita

SAAN mang sulok ng daigdig kilala na ngayon ang Pili­pinas. Ang pangunahing dahilan ay ang bagyong Yolanda na tinaguriang pinakamalakas na bagyo sa kasaysayan ng mundo.  Siyempre may ibang lumiliyab na kaganapan din o personalidad na naghatid karangalan sa bansa sa iba’t ibang larangan. Sa palakasan, hindi mawawala ang ating magaling na boxers, basketbolista, football players, billiard players at iba pa, kasama na ang pinaka-latest na pambansang bayani na si Michael Martinez, Olympian sa figure skating. Sa worldwide beauty contests ay pinusoy din natin ang mga titulong Miss World, Miss International at iba pa. Sa sining ay kinakatawan tayo ng mga sikat na international singer tulad nina FilAm Bruno Mars, Apl de Ap, mga nagwawagi sa international singing contests at, sa katatapos lang na Academy Awards sa Hollywood, si Robert Lopez ay pinarangalan para sa kanyang kathang awit na “Let it Go” para sa animated movie na Frozen ng Disney Pictures. 

Ang lahat nang ito’y headline news sa atin. Napakalaki ng impact sa ating ulirat. Bawat isang Pinoy ay binubuhat ng mga nagawa ng ating mga kababayan. Pero meron ding mga balita na kahit hindi pang-headline ay malaki rin ang ikabubuti sa ating kalagayan. Isa rito ang balitang inaprubahan ng Presidente ang release ng P3.4 billion para tustusin ang gastos ng 300 firetrucks at sa pagtayo ng 300 fire stations. Itong linggo ay Fire Prevention Week at kabilang sa mga selebrasyon ang pamamahagi ng 38 bagong world class firetrucks sa mga piling lungsod. Nauna nang pinamigay ang 38 pang katulad nitong truck sa mga lugar sa Eastern Visayas na nasalanta ng Yolanda. Ang proyektong ito ay naumpisahan sa ilalim ng pamunuan ni Sec. Jesse Robredo sa DILG.

Dito sa atin, halos luma lahat ang mga gusali at electrical systems. Tapos, kung hindi sobrang init ay sobrang ulan ang panahon. Pag bagong taon nama’y ang hilig natin sa pa­putok. Tuwing brown out, siguradong kandila ang resbak. Matagal nang hinihintay ng mamamayan ang magandang balita ng modernisasyon ng ating kakayahang labanan ang sunog.

Show comments