Babala: May scammers sa likod ng online ads

ISA SA pinaka-mainam na online advertising websites sa Pilipinas ang Sulit.com. Libre mag-post ng ads dito, miski may litrato bukod sa text, miski gaano katagal, miski ilang beses. Kailangan lang mag-register ng account sa Sulit.com.

Pero sa lahat ng gubat ay merong ahas. May nanloloko ngayon sa pamamagitan ng Sulit.com. Biniktima nila kamakailan sina Dr. Annelee B. Lojo at Teacher Riza, na tumugon sa ad na nagbebenta ng iPhone5.

Gabi ng Peb. 1, tinext ni Riza ang cell phone 0917-9362622 na nasa ad. Maaga ng Peb. 2, sumagot ang nagpakilalang “Dr. Annelee B. Lojo.” Nagkasundo sila sa presyong P16,000. Sabi ni Riza magkita sila sa mall sa Pasay City. Sagot ni “Dr. Annelee” out of town siya; kung puwede ipa-LBC na lang niya, kapag nabayaran na ni Riza sa Western Union. Mapapagkatiwalaan naman daw siya; i-check lang siya sa Internet bilang doktor sa ospital sa Las Piñas. Nu’ng hapon, matapos mag-check sa Net, naghulog nga ng pera si Riza, at tinext kay “Dr. Annelee” ang payment receipt number. Isinagot ng nagtitinda ang LBC parcel tracking number.

Gabi ng Peb. 3, nang walang matanggap na parcel delivery, ipinagtanong ni Riza ang LBC tracking number. Ang sagot: invalid daw ito. Tinawagan niya si “Dr. Annelee,” pero hindi siya sinagot, Ginamit ni Riza ang cell phone ng mister; napasagot si “Dr. Annelee” na aalamin niya ang problema, pero hindi na muli kumontak. Peb. 4, hinanap ni Riza si Dr. Annelee sa ospital sa Las Piñas, pero itinuro siya sa Makati Medical Center. Peb. 5, nakilala niya ang totoong Dr. Annelee, na mahinhin ang boses, di tulad ng scammer na brusko.

Natakot si Dr. Annelee na na-identity theft siya. Kamakailan lang, ginamit din ng Internet scammers ang pangalan ng kasamahang Dr. Eileen Manalo sa “pagbebenta” ng iPhone, signature bags, at furniture. Anang NBI, galing sa Pampanga ang texts ng scammers. Tinanggal na ng Sulit.com ang palsipikadong ads. Samantala, mag-ingat tayong lahat.

 

Show comments