Balanse

ANG mabuti para sa isa, puwedeng masama para sa iba. Ganito ang hinaharap ni Manila mayor Joseph Estrada makaraang maglabas ng ordinansa kung saan pinalawig niya ang truck ban sa siyudad. Bawal bumiyahe ang mga truck sa Maynila mula 5:00 ng umaga hanggang 9:00 ng gabi, Lunes hanggang Sabado. Puwede lang sila bumiyahe mula 9:00 ng gabi hanggang 5:00 ng umaga. Umikli ang kanilang oras sa pagbiyahe.

Ayon kay Erap, isa itong solusyon sa sumasamang trapik sa Maynila. Unang pinagbawalan ang pagpasok ng mga pampublikong bus, kaya may terminal na lang kung saan sila puwedeng magsakay at magbaba ng mga pasahero. Ngayon, mga truck naman ang ipinagbabawal.

Sinalubong siya ng protesta ng mga drayber, pahinante at operator ng truck at negosyante. Ayon sa kanila, ang pinalawig na truck ban ay makaaapekto sa ekonomiya, hindi lang sa Maynila kundi buong bansa. Apektado rin ang hanapbuhay ng mga drayber at pahinante. Ang Maynila ay isa sa pangunahing bagsakan ng kalakal. Kung may ilang oras lamang sila para ilabas ang mga kalakal, sigurado apektado ang mga negosyong nakasalalay sa paggalaw ng mga kalakal. At sino raw ang mga negosyong bukas sa mga oras na nakatakda silang bumiyahe para tumanggap ng mga delivery?

Pero masama rin daw ang matinding trapik sa ekonomiya, pati na rin sa mga mamamayan. Kung hindi gumagalaw ang trapik, paano gagalaw ang ekonomiya? Ayon kay Vice Mayor Isko Moreno, takaw-aksidente rin ang mga truck. Kapag nasangkot na sa aksidente, perwisyo na para sa lahat. Ayon kay Erap, subukan daw muna ng anim na buwan. Kung hindi rin nakatulong sa ekonomiya, puwedeng baguhin. May punto. Pero para sa mga empleyado ng mga truck, masyadong matagal ang anim na buwan kung saan siguradong mababawasan ang kanilang sahod. Kawawa rin sila. Anim na buwan magbabalanse ang lokal na pamahalaan, mga empleyado at may-ari ng mga truck, pati na rin ang mga negosyong apektado. Kung sino ang hindi magtatagal, malalaman na lang natin.

Show comments