Diwa ng EDSA

MARAMI sa mga nakiisa at nakibahagi sa paggunita ng EDSA hindi nauunawaan ang totoo nitong saysay.  Malungkot mang sabihin, maituturing na lang itong selebrasyon at bahagi ng tradisyon.

Ang mismong mga nagsusulong nito, nakikitang sumasalungat sa kanilang mga sinasabi at ipinaglalaban. Sa 28 taong nakaraan, maraming oportunidad ang nasayang. Ang mga Pilipino, hindi naging handa sa oportunidad. Hindi pa rin nadala sa korupsyon at pang-aabuso ng mga dating umupo sa pamahalaan.

Marami nang nagbago. Umunlad na ang mga karatig-bansa natin sa Asya pero tayo, lalo pang lumubog sa kahirapan. Ang malaking katanungan, sa loob ng 28 taong nakalipas, may nagbago ba? May naramdaman ba ang mga mahihirap?

Napatalsik nga ang diktador at napalitan ang mga namuno  sa pamahalaan. Pero naging mas masahol pa ang kaugalian, sistema at kultura sa pulitika. Dumami ang mga kawatan at political dynasty na may kanya-kanyang interes at lalong dumami ang mga mahihirap.

Kahapon, muling ginunita ang EDSA revolution.  Ang nakalulungkot, ‘yung mga nagpasimuno nito, sila ngayon ang nasasangkot sa katiwalian ng Disbursement Acceleration Program at Priority Development Assistance Fund. Kung aanalisahin, isyung pulitikal ang dahilan kung bakit nagkaroon ng pag-aalsa. Pero kung ihahambing ang noon at ngayon, mas naging masahol pa ang sitwasyon ng gobyerno ngayon.

Maraming naglulutangang pulitiko na mga personality-based. Ang tanging puhunan, popularidad at kasikatan pero wala namang “laman.” Kung mayroon mang dapat maunang magpahalaga sa EDSA ito ang mga namumu- no sa pamahalaan. Dapat tapat na manindigan at may pananagutan sa taumbayan.

Pero sa ngayon, ang mismong problema ay ang pamamalakad ng pamahalaan o ‘yung tinatawag na ‘good governance.’ Sana manumbalik ang kultura ng pulitika kung saan, katulad sa Amerika, mayroong dalawang party system lang. Walang balimbing. Walang personality-based. Walang mga independente na ipinaglalaban ang kanilang walang mga kakuwenta-kuwentang plataporma at ideyalismo.

Sa nangyaring revolution 28 taon na ang nakararaan, dapat natuto na tayo sa mga problema noon at ngayon upang maisakatuparan ang totoong diwa ng pagbabago.

Show comments