EDITORYAL - Sagot sa trapik sa Maynila
NAPATUNAYAN noong Lunes na ang mga truck ang nagpapalubha ng trapik sa Maynila. Nagsagawa ng truck holiday ang mga truckers bilang pagtutol sa “truck ban†na ipinatupad ng Maynila. At naging maluwag ang kalye sa Maynila. Wala ring naitalang aksidente o nasagasaan noong Lunes. Ang biyahe mula Rotunda, Quezon City patungong Port Area, Maynila ay naging 25 minutes na lamang na dati ay inaabot ng isang oras dahil sa nagsalabat na truck sa Luneta at sa ilang bahagi ng Intramuros. Naging magaan din sa UN Avenue at San Marcelino St. dahil walang truck na bumiyahe. Kahapon, ay naging maluwag din ang mga kalsada sa Maynila kaya madaling nakarating sa kanilang paroroonan ang mga motorista at mga empleado.
Sino ba ang aayaw sa maluwag na kalsada at walang abalang trapiko? Lahat ay may gusto nito. Matagal nang problema ang trapiko sa Metro Manila at iilan lamang ang nag-eeksperimento para mabigyan ng solusyon. Kailangan ay magkaroon ng pag-aaral at pagsasaliksik upang masolusyunan ang trapik hindi lamang sa Maynila kundi sa marami pang lungsod. Sa pag-aaral na isinagawa ng National Center for Transportation Studies, lumalabas na P13.7 billion ang nawawala sa bansa dahil sa matinding trapik. Napakalaking halaga nito na kung masusulusyunan ang problema, malaki ang matitipid ng bansa. Kung magiging maluwag ang trapiko sa Metro Manila, malaking pang-akit ito sa mga dayuhan at mawiwili silang magtungo rito. At ibig sabihin nito, gaganda ang ekonomiya.
Tama lamang ang eksperimentong ginagawa nina Manila mayor Joseph Estrada at Vice Mayor Isko Moreno sa pagpapaikli ng oras sa biyahe ng mga truck kung araw. Mula 10:00 a.m. hanggang 3:00 p.m. lamang dapat bumiyahe ang mga truck sa Maynila. Paglumampas ay huhulihin na sila at pagmumultahin. Kailangan lamang ay disiplina para hindi abutin ang mga truck sa kalye.
Isa pang paraan na naiisip ay ang paglilipat ng international cargo ships sa ibang port gaya ng Batangas at Subic. Sa halip na sa port of Manila, doon na kukunin ng truck ang mga container vans. Mas magandang panukala ito dapat pag-aralan ng gobyerno. Ito ang sagot sa malubhang trapik sa Metro Manila.
- Latest