Truck ban

HUWAG n’yo kaming subukan! Ito ang panawagan ni Manila Vice Mayor Isko Moreno sa mga kompanya ng truck hinggil sa ordinansang ipapatupad ng City of Manila. Simula kahapon ng umaga, ipinatupad na ang truck ban sa lungsod upang mapaluwag ang trapiko. Simula 5:00 hanggang 10:00 ng umaga bawal dumaan ang mga truck na naghahakot ng mga kargamento palabas at pabalik ng pier. Ipaiiral pa rin naman ang windows sa mga trucker makalipas ang 10:00 ng umaga hanggang 3:00 ng hapon subalit sa mga may kargamento lamang. Samakatuwid bawal pa ring pumasada ang mga truck na walang karga. Hindi kasali sa ban ang mga delivery ng perishable goods at fuel tanker. Mabigat ang parusa sa mga lalabag sa ordinansa: P5,000 at mai-impound ang truck. Nag-organisa ang lungsod ng Maynila nang mahigit 20 towing trucks upang hatakin ang mga nakaparada sa kalye pagsapit ng truck ban.

Mukhang hindi nagbibiro sina President/Mayor Joseph Estrada at Vice Mayor Isko Moreno kahit maki-pagmatigasan pa ang trucking companies. Sa loob ng anim na buwan, tuluyan nang mawawala ang truck sa Maynila dahil ayon kay Isko, nakikipagpulong na sila sa Philippine Port Authority, Bureau of Customs at mga sangay ng pamahalaan upang ilipat ang dau-ngan ng mga container sa Batangas at Subic. Kaya nagsisikip ang traffic sa Maynila ay dahil sa mga truck na naghahakot ng mga kargamento papasok at papalabas ng South Harbor, Manila International Container Port, Norh Harbor at Manila Harbour Center. Kaya ipinairal ang truck ban sa Maynila ay dahil sa konstruksiyon ng Skyway 3. Aabutin umano ng tatlong taon ang konstruksiyon ng Skyway kaya kung hindi hihigpitan ng Maynila ang mga truck, sisikip ang mga kalye at mapiperwisyo ang ekonomiya.

Hindi ito makakalusot sa paningin ni Erap dahil may dalawang traffic mobile cars na may nakakabit na CCTV sa harap at likod upang ma-monitor sa command center na nasa City Hall. Tama ang kasabihan na “kung gusto may paraan at kung ayaw may dahilan” kaya ngayon pa lang mga suki kong truckers mag-isip-isip na kayo at baka lalo lamang lumala ang babala nina Estrada at Moreno. Abangan!

 

Show comments