NASABI ko sa nakaraang kolum na wala akong tutol sa batas tungkol sa on-line libel. Kung responsible kang manunulat at hindi ka naninira ng puri ng kahit sino, wala kang dapat ipangamba sa libel. At kung ang bokasyon mo ay ang pagsusulat, kahit ilibelo ka ay hindi ka dapat matakot basta’t may isinusulong kang adbokasya na iyong pinaninindigan at pinaniniwalaan.
Sabi nga ng isang matandang mamamahayag na si Teodoro F. Valencia na malaon nang namayapa, ang libelo ay “medalya†ng isang mamamahayag. Kung wala kang kasong libelo, mahina kang klaseng mamamahayag.
Pero may ilan lang akong tanong: Paano hahabulin ang mga nanlalait sa internet?
Napakadaling magbukas ng account na ang gamit ay ibang pangalan o alias. Napakarami ring internet café na puwedeng paglipat-lipatan ng isang blogger upang ipaskil ang kanyang mga “mapanirang artikulo.†Ang lagay ba naman eh yung may-ari ng internet café ang mananagot kapag hindi nahabol ang tunay na salarin na nagpaskel ng artikulo?
At heto pa ang delikado, papaano kung isang hacker ang nakapasok sa account ko at gamitin ang aking pa-ngalan para siraang-puri ang isang pulitiko o sino mang tao? Aba, malamang pala eh ako ang mademanda.
Kaya naman ako pumapayag sa internet libel ay sapagkat maraming netizens ang naging iresponsable na sa kanilang pangangantiyaw na umaabot sa puntong paninira sa mga taong kanilang kinaiinisan.
Mayroong mahuhusay sa adobe photoshop na nakakapagretoke ng mga larawan upang palabasin na ang isang tao ay may ginagawang masama kahit wala naman. Tapos, kapag ito’y ipinoste sa social network marami ang naniniwala at yung taong sinisiraan ay lumilitaw na kahiya-hiya.
Ang kaso lang ay yung mga katanungan ko kung paano titikluin ng batas ang mga salarin. At papaanong matitiyak na yung mga responsableng gumagamit ng social media ay hindi maipagsasakdal kapag may hindi awtorisadong taong nakapuslit sa kanilang account sa twitter, facebook, instagram at iba pa? Hangga’t hindi nagagarantiyahan na protektado ang mga well-meaning bloggers, siguro dapat munang tugunin ang mga nabanggit nating areas of concern bago ipatupad ang batas.