ANO ang inisip ng mga kompanya sa Canada at dito sa atin, sa kanilang pagpasok ng 50 container na naglalaman ng basura? Nasabat ang mga container ng Bureau of Customs noong Agosto at Setyembre ng nakaraang taon. Pero noong nakaraang Enero lamang nabuksan ang mga container at nakita ang mga basura. Dineklara itong mga “scrap plastic for recyclingâ€, pero nang inspeksyuning mabuti, may mga nakahalong karaniwang basura tulad ng mga gamit na diaper ng matatanda! Napakabastos naman ng nagpadala ng mga ito sa atin. Talagang ang tingin sa atin ng ilang kompanya mula sa ibang bansa ay kayang-kaya tayong lokohin, o bilhin.
Iligal ang magpasok ng basura sa bansa. At sa pagkakaalam ng gobyerno, bawal din ito sa Canada. Kaya kung paano nakalusot ang tone-toneladang basura sa kanila ay hindi pa mapaliwanag. Kakasuhan ng BOC ang kompanyang pinadalhan ng kargamento, pati na rin ang kompanya sa Canada na nagpadala. Hinihingi ng BOC ang tulong ng embahada ng Canada para maisulong ang kasong ito, at maparusahan at mamultahan ang kom-panyang nagpadala. Hindi tayo puwedeng magpakita ng kahinaan sa insidenteng ito.
Hindi ito ang unang beses na may nagpadala ng basura sa ating bansa. Ilang mga container ang nasabat na rin na naglalaman ng basura. May hinala nga na nagtatapon ng mga nuclear waste sa Subic ang ilang barko ng mga Amerikano kapag napupunta sila roon, bagama’t hindi pa mapatunayan. Patunay na ang tingin sa atin ay wala naman tayong pakialam sa kalikasan, kaya okay lang magpadala ng basura.
Siguro dahil nakikita rin nila na gustong-gusto natin ng mga basura ng ibang bansa. Malaki ang industriya ng mga piyesa ng sasakyan dito sa Pilipinas. Bumibili ng lote-lote ng lumang sasakyan at piyesa mula sa Japan at ibang bansa ang mga kompanya, at dinadala dito para mabenta ang mga piyesa na maaari pang magamit ng mga sasakyan dito. Malakas din tayong magpasok ng mga segunda manong sasakyan. Mga sasakyan na hindi na pinapansin ng ibang bansa, binibili naman natin at binebenta. Mabuti rin ito at nagagamit pa ang puwede pa namang gamitn. Parang recycling na rin. Pero ibang usapan ang gamit na diaper. Ibalik sa pinanggalingan, at parusahan. May mga mas bastos pala sa mundo.