MARAMI sa mga kabaro ko sa media ang tutol sa on-line libel. Pagsikil daw sa kalayaan sa pamamahayag. Ako walang tutol bagamat matutuwa ako kung aalisin ang probisyong iyan sa cyber crime law. At lalu akong matutuwa kung idi-decriminalize na ang kasong ito.
Marami kasi sa mga tinatawag na bloggers at ma-ging sa mga mainline journalists ang hindi na nagiging maingat sa kanilang mga isinusulat kahit sa puntong naninira na pala sila ng reputasyon ng ibang tao kahit walang basehan.
Ang media ay hindi isang instrumento ng paninira kundi instrumento ng pagpuna sa mga mali sa ating lipunan at pamahalaan para ito’y maituwid. Basta huwag ka lang mag-aakusa ng walang basehan ay safe ka.
Halimbawa, kung sa isang ahensya ng gobyerno ay may nawawalang milyun-milyong halaga ng pondo, walang masamang punahin ito sa paraang hindi ka mahahanapan ng butas para idemanda ng libelo. Kung sa alin man ahensya ng gobyerno ay talamak ang mga lagayan at hatagan ng komisyon, tungkulin ng media na isiwalat ito. Media kasi ang tenga at mata ng taumbayan para mahadlangan ang ano mang iregularidad sa ating lipunan at gobyerno.
Noong dekada 60, may isang komentarista na kakaiba ang diskarte. Ganito ang kanyang linya sa pagbatikos sa mga pinuno ng ahensya: “Hindi ko sinasabing gago kah o magnanakaw kah!! Pero pakipaliwanag mo kung nasaan ang nawawalang pondo sa iyong ahensya!†sabay hampas sa announcer’s deck. Paano siyang idedemanda eh wala naman siyang sinabing magnanakaw o gago ang kanyang tinatawagan ng pansin? Nagtatanong lang kung nasaan ang pondo di ba?
Pero kung ikaw ay isang mamamahayag, iyan ang pinili mong propesyon kaya dapat handa ka’ng harapin ang mga kasong isasampa sa iyo. Kung may kalayaan ang manunulat na maghayag ng katiwalian, yung mga nasasagasaan ay may karapatan din na maghabla. Ang sinasabi ko lang ay dapat maging maingat sa sinasabi para kung sakaling ipaghabla ka ng libelo ay madaling lusutan. Isa pa, huwag mag-aakusa nang walang katibayan.