DOJ dapat mag-ingat kay Ruby Tuason

BAWAT tao ay may karapatang madepensa sa husgado. At tungkulin ng abogado na ipagtanggol ang kliyente. Gan’unpaman, maraming tanong tungkol sa motibo nina Ruby Tuason at legal counsel na Dennis Manalo.

  Inakusahan nu’ng Oktubre ng dalawang plunder case si Tuason. Una, sa P10-bilyong pork barrel scam ni fixer Janet Lim Napoles, kung saan sangkot sina Sen. Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada, Bong Revilla. Ikalawa, sa P900-milyong Malampaya Fund scam kung saan sangkot din si Napoles, kasama si ex-President Gloria Arroyo, Eduardo Ermita, atbp.

Ngayon ay tinatawag nang “star witness” si Tuason sa unang kaso. Alam daw niya kasi ang modus operandi ni Napoles. Meron umano siyang “slam dunk” evidence na mag-iipit kina Enrile at Estrada. Nag-alok siyang isosoli ang P40-milyong parte sa “pork” scam nu’ng 2008-2009. Kaya isasali siya ng Dept. of Justice sa Witness Protection Program. 

Pero teka. Ang abogado ni Tuason na si Manalo ay senior partner sa Siguion-Reyna law firm. Founding partner nito si Atty. Leonardo Siguion-Reyna, bayaw ng akusadong Enrile, asawa ni celebrity Armida. Ipadidiin ba ng law firm kay kliyenteng Tuason ang bayaw ng founder?

“Trojan horse ba si Tuason ni Enrile?” tanong ni Sen. Alan Peter Cayetano nang sumipot sa Senate hearing ang “star witness.” Maglalahad ba ito ng mahina at maling ebidensiya laban kay Enrile para maabsuwelto ito sa kaso? Ididiin lang ba nito si Estrada at Napoles para maging kapani-paniwala, habang lihim na kumikilos para kay Enrile?

‘Yan ang dapat suriin nang husto ng DOJ. Pag-aralan sana nito ang naging laro ni Atong Ang sa plunder case ni Joseph Estrada nu’ng 2001. Akusado rin si Ang noon. Nag-alok din siyang isoli ang P24-milyong mansiyon na bahagi ng loot. Pero atubili siyang tumestigo laban kay Erap, kaya hindi na lang siya ihinarap sa korte dahil baka humina pa ang kaso. Nauna rito, pinahina ng isang Pagcor manager ang testimonya laban kay Ang, na kaibigan pala. Nalanse ang prosecutors.

 

 

Show comments