Foolitics

MAHIRAP pasukin ang pulitika. Kahit mabuti ang re­pu­tasyon mo, maaari itong magiba sa isang iglap.  Kung hindi man iimbento ng akusasyon ay puwedeng hanapan ng teknikalidad  ang isang opisyal para madiin sa kaso.

Klasikong halimbawa si Bulacan Governor Wilhelmino Alvarado na inaakusahang hindi nagsumite ng liquidation documents noong 2012 sa Commission on Audit. Tinawanan lang ni Alvarado ang mga alegasyon na aniya’y “pakulo” ng mga kalaban niya sa politika. Grabe ano?  Dalawang taon pa bago ang susunod na eleksyon ay sari-sari na ang mga nagsusulputang demolisyon.

Iginiit ni Alvarado na ang pamahalaang panglalawigan ay updated sa pagsusumite ng mga dokumentong kailangan ng COA simula pa ng siya’y manungkulan nuong 2010 hanggang ngayon. Pero sabi niya, tulad ng ibang lalawigan ay hindi sila binibigyan ng credit advice ng COA. Hindi ko kakilala si Alvarado pero base sa naririnig nating balita, tila ito’y isang political demolition. Hindi po ako ipinanganak kahapon at kabisado ko na ang sistema.

“Sinister black propaganda”. Ito ang tawag ni Alvarado sa mga akusasyon sa kanya. Tingin ko hindi lang si Alvarado ang nasa ganyang kalagayan ngayon. Nangyayari iyan sa tuwing papalapit ang halalan. Expect more horrible things to come.

Kaya magtataka pa ba tayo kung bakit imbes na magkaisa ang lahat para mabuo ang ating wasak na bayan ay lalung lumulubha ang ating situwasyon? Tama na ang pamumulitika at kahit ano ka pang partido kasapi, magkaisa na sa mga gawain para maibangon ang ating lugmok na bansa.

 Kapunapuna kasi na hindi lang sa local level nangyayari ang ganitong kalakaran kundi maging sa national level ng pamahalaan.

  Tama ang tinuran ni Alvarado. “higit na kinakailangan ang magtrabaho tayo ng husto at magkaisa para sa kapakanan ng mga bulakenyo”.

Pero huwag lang sana sa Bulacan kundi sa buong bansa ay magkaroon ng pagkakaisa tungo sa pag-unlad ng ating inangbayan na durug na durog na.

Show comments