NAPAKAGANDA ng kuwento ni Michael Christian Martinez, ang tanging Pilipino na nakalahok sa Winter Olympics na ginanap sa Sochi, Russia. Sino ang mag-aakala na makapagpapadala tayo ng atleta sa isang Winter Olympics, eh wala naman tayong niyebe rito. Naaalala ko ang pelikulang “Cool Runnings†kung saan isang bobsled team naman mula Jamaica ang nakapasok sa paligsahan, eh wala rin naman silang yelong matatakbuhan o mapagsasanayan sa Jamaica. Totoo ang kasabihan na kung talagang gusto mong gawin, magagawa mo.
Hindi nga nanalo ng medalya si Martinez sa Sochi, pero marami ang humanga sa kanya – mga kapwa atleta pati na rin mga nagkokomentaryo sa paligsahan -- dahil na rin sa kanyang galing. Pinasok niya ang sport na figure skating matapos makita ang mga naglalaro sa ice skating rink sa isang mall. At doon na nagsimula ang kanyang paglalakbay patungong Sochi. Wala silang nakuhang suporta mula sa gobyerno, at isang Amerikano pa ang nagsabi sa kanya na may potensyal siya maging magaling na figure skater. Lahat nang gastos para magsanay at mag-ensayo, ang pamilya niya ang naglabas.
Ngayon, dahil sa kanyang nagawa sa Sochi, ngayon siya napapansin ng gobyerno, pati na rin ng pribadong sponsors. Maganda na raw ang sitwasyon nila kung suporta ang pag-uusapan. Ang sunod na gustong gawin ay mag-ensayo pa nang husto, para sa susunod na Winter Olympics sa 2018 na gaganapin sa South Korea. May apat na taon siyang gawin ito, at ngayong may suporta na siya kasi nakita na ang kanyang kakayanan, maganda ang kanyang hinaharap. Baka sa Winter Olympics makuha pa ang kauna-unahang gintong medalya ng Pilipinas. Hindi ako magtataka kung maging pelikula rin ang kanyang buhay.
Marami pa sa ating mga atleta ang naghihintay lamang ng pagkakataong ipakita ang kanilang galing. Kadalasan, pera ang problema. Mahirap nga naman mag-ensayo kung hindi rin maganda ang kagamitan. Ito siguro ang isa pang kailangang pag-aralan ng gobyerno. Alamin ang mga atletang may tunay na galing na puwedeng alagaan, at hindi lamang ang mga may kaya na sa simula. Katulad ni Martinez, tila walang naniwala na kaya niyang lumaban sa Sochi. Ngayon, alam na nila na sila’y nagkamali.