Lumuluhang puso
(Alay kay REMEDIOS FLORES MAGADIA)
Pebrero 14 – kaibang Valentines
Ang sa akin ay sumapit na biglaan;
Dahil sa ang mutyang pinakamamahal
Sa tawag ng Diyos biglang namaalam!
Sa pangalwang araw ngayong buwang ito
Doon sa ospital biglang nagkagulo;
Mga doctor at nars ay biglang nanlumo
Ang pulso ni Mahal payapang nag-zero!
Hinangad ng aking anak na panganay
Lagyan ng peacemaker ang dibdib ni Mahal;
Ang sabi ng isang doktorang maalam
Huwag nang gawin iyon di na kailangan!
Di na nga marapat dahil maya-maya
Hininga ni Mahal humintong payapa;
Kaya ako’t mga anak ay biglang nagluksa
Sa araw at gabi tiyak na luluha!
Ngayong Valentines Day luha at pighati
Ang sa bawa’t araw ay aming kalimpi;
Wala ang Mahal kong sa bawa’t sandali
Kapiling kasama sa lahat ng gawi!
Kaya anong saya nang mahihintay ko
Ngayong wala na nga kapilas ng puso?
Nagsumpaan kaming walang maglililo
Pag-ibig na tapat ang sumpa’t pangako!
Kaya ngayon Mahal sa iyong paglayo –
Tanging pabaon ko’y lumuluhang puso;
At saka ang diwang ngayo’y nasiphayo
Pagka’y Ikaw Mahal ang tanging kasuyo!
- Latest