Johnny Merez, saludo ako sa iyo

MAYROON akong kaibigan na naglalako ng iba’t ibang klaseng prutas sa loob ng subdivision na tinitirhan ko sa Las Piñas City. Ang kanyang pangalan ay Johnny Merez, tubong Leyte. Labinlimang taon na akong bumibili kay Johnny pero hindi niya alam na  ambassador o congressman ako. Ang tawag niya sa akin ay  “Bay”. ’Yan ang tawagan sa isa’t isa ng mga Bisayang katulad ko at ni Johnny.

Never ko namang pinuna si Johnny na tawagin akong Amba o Cong dahil maliwanag naman na wagas ang kanyang kalooban  at walang hangaring maging dis­respectful. But on the other hand, I learned to admire and respect Johnny kasi marangal ang kanyang hanapbuhay.

Ayon kay Johnny, kumikita siya ng P500 araw-araw na kahit papaano ay sumasapat naman daw sa panga­ngailangan ng kanyang maybahay na si Salvacion at apat na anak na si Ailyn, 20 years old, Joy 17, Jade, 16 at Mae, 8. Si Salvacion ay may sideline din naman sa paglalaba.

Mahirap ang hanapbuhay ni Johnny dahil nagha-house to house siya na pasan-pasan ang malaking karton ng mga prutas. Dahil naman sa gusto kong makatulong sa kanya at para mapagaan ang kanyang pinapasan, hindi ako nagmimintis na bumibili sa kanya. And of course masarap din naman talaga ang mga prutas na nilalako niya tulad ng oranges, mangga at iba pa. Halata  na metikulosong pinipili ni Johnny ang mga prutas bago niya inilalako sa kanyang mga suki.

Noong una kong nabilhan si Johnny 15 years ago, siya ay bata pa. Pero ngayon pumuti na ang mga buhok niya at nakasalamin na nang makapal. Mas malaki ang paggalang ko kay Johnny kaysa  mga pulitiko na nasasangkot ngayon sa scams. Sumasaludo ako sa iyo Johnny at sa mga katulad mong may mga mararangal na hanapbuhay.

 

Show comments