Palubog ang bansa

Kinidnap, hinoldap, pinatay;

binaril, sinaksak, hinalay;

Ito ang mga gawain na karumal-dumal

ng maraming taong ngayon ay kriminal

 

Bakit ba ganito itong bayan natin

naghahari ngayo’y masamang damdamin?

Matanda at bata ay nagugupiling

sa araw at gabi agad nalilibing

 

Lumindol, bumagyo, umapaw ang dagat

at maraming buhay ang naglaho agad;

Habagat, amihan ay naging malakas

bahay kubo’t mansion na kayang ibagsak

 

Kaya sa’ting bansa, sabi nang marami

ay nagkalat ngayon ang taong marumi

Mga asal hayop marumi ang budhi

walang kaluluwa – masamang ugali

 

Mga kanal, ilog naging basurahan

ang lahat ng dako’y umaalingasaw;

Dahil sa marumi ang kapaligiran

nagdaramdam na rin pati kalikasan

 

Mga pulitiko’t alagad ng batas

dahil sa masakim ay pera ang hanap;

At dahil sa pera pawang mandurugas

kaya ang pulubi lalong naghihirap.

 

Palubog ang takbo nitong ating bayan

kaya nagbago rin pati kasaysayan;

Kung noo’y masaya itong sambayanan

ngayo’y lungkot, luha ang nararanasan.

Show comments