LALONG umiinit ang bangayan ng Malacañang at Beijing. Bunsod ito ng pahayag ni President Aquino sa isang panayam kung saan itinulad niya ang mga kilos ng China hinggil sa pag-aangkin ng buong karagatan sa mga kilos ni Hitler noong World War 2. Hinangad ni Hitler angkinin ang buong Europe, kaya sunud-sunod niya nilusob ang mga katabing bansa. Umabot pa nga siya sa Africa.
Mukhang may tinamaang mga ugat sa Beijing at sunod-sunod ang kanilang pagtira kay Aquino ngayon. Ayon sa mga kilala kong nakatira sa China at Hong Kong, laman ng kanilang mga pahayagan at balita ang isyung ito, kasama na ang walang humpay na pag-iinsulto kay Aquino, pati sa Pilipinas. Mukhang hindi nila nagustuhan ang paghahambing kay Hitler. Medyo may pangamba nga ang mga Pilipinong nagtatrabaho sa China at Hong Kong dahil sa bangayang ito. Pero ang tanong, mali ba si Aquino sa kanyang paghahambing? May kasabihan na masakit ang katotohanan, hindi ba?
Nabanggit ko na rin noon na ang mga kilos ng China ay tila kapareho ng mga kilos ng Nazi Germany noong 1930 hanggang 1944. Hinangad ni Hitler angkinin ang malaking bahagi ng Europe sa pamamagitan ng karahasan. Ang China, inaangkin ang buong karagatan, sa pamamaraan ng paninindak. Idinadaan sa malakas na militar at ekonomiya.
Kailangang intindihin ng China na hindi ito makukuha sa sindakan. Lalo na’t malakas na ang suporta ng maraming bansa sa atin ngayon. Kailangang idaan ang anumang alitan at pagtatalo sa tamang lugar. Kaya nga natin dinala ang reklamo sa United Nations, dahil ito ang tamang gawin. Kung ayaw ng China na mahambing sa mga masasamang tao ng kasaysayan, hindi nila dapat inuulit ang kanilang ginawa. Dapat nga pumulot sila ng mga leksyon mula sa kasaysayan, para hindi nga maulit, hindi ba?