NAKAKATAWA ang proposal na ipa-impeach si Presidente Aquino dahil hindi maawat sa paninigarilyo.
May pagka forcing through yata ito. Gaya nang maÂrami, hindi ako pabor sa pagyoyosi ni P-Noy. Pero ni sa panaginip hindi sumagi sa isip ko ang mungkahing ito ni Civil Service Assistant Commissioner Ariel Ronquillo. Aniya, ang paninigarilyo ni Aquino ay paglabag sa Framework Convention on Tabacco Control ng World Health Organization na ang Pilipinas ay kabilang sa mga lumagda.
Ipinagbabawal sa kasunduan ang paninigarilyo sa mga tanggapan ng gobyerno at lahat daw ng taga-gobyerno ay dapat sumunod, lalo na ang pinakamataas na lider ng bansa. Ako na marahil ang unang-unang natuwa nang mapagtibay ang batas tungkol diyan dahil galit ako sa sino mang walang patumangga kung manigarilyo nang hindi iginagalang ang ibang ayaw sa usok.
Good media copy ang sinabi ni Ronquillo bagamat kung susuriin ay walang sentido. Sa panayam sa kanya sa forum na pakulo ng anti-tobacco group, binanggit niya na ang impeachment kung hindi makasusunod ang Pangulo sa takdain ng programa.
Pagsira sa public trust ang tanging ground para maimpeach ang sino mang leader ayon sa Konstitusyon. At papaano malalabag ni P-Noy ang Konstitusyon sa paninigarilyo? Simula’t sapul ay batid na ng taumbayan na smoker si P-Noy at ito’y hindi niya inilihim kanino man.
Mayroon namang panuntunan na puwedeng mag-yosi sa itinakdang lugar ang mga taga-gobyerno kapag break time.
Ayon mismo sa bossing ni Ronquillo na si na si CSC chair Francisco Duque, tanging sa mga opisina lamang ng Department of Education, Department of Health, at Department of Social Welfare and Development, lamang lubos na ipinagbabawal ang paninigarilyo.
Hindi ako kokontra sa sino mang maghahain ng impeachment case laban kay P-Noy. Very constitutional iyan at karapatan ng sino man. Pero pag-isipan namang mabuti kung ano ang ikakaso laban sa Pangulo para hindi lumabas na pamumulitika lang ang layunin ng ganyang mga hakbang.